Kay Jonah hanggang kay Ninoy hanggang sa ganap na paglaya
- BULGAR
- 1 day ago
- 4 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 23, 2025

Anuman ang iniisip o nararamdaman ng Propeta Jonah, hindi nito pinakinggan ang Diyos, tumakas ito sa isang barko at sa kasawiang palad itinapon siya ng mga kasama sa dagat kung saan nilulon siya ng malaking isda. Nanatili ito sa tiyan ng malaking isda sa loob ng tatlong araw at gabi, at sa ikatlong araw iniluwa ng isda sa pampang ng bayan ng Nineveh.
Sa pag-ahon ni Jonah sa tuyong lupa, hindi na siya takot kundi buo at matatag na ang loob upang sundin ang iniuutos ng Diyos. Kaya nagtungo ito sa hari at sinabihang magsisi at magbalik-loob sa Diyos sa loob ng 40 araw kung nais nitong hindi wasakin ng Panginoon ang kanyang kaharian.
Nakinig ang hari na nag-utos sa buong kaharian na lahat ng tao at hayop ay dapat magdasal, mag-ayuno, magsuot ng sako at umupo sa abo upang humingi ng tawad sa Diyos sa kanilang mga kasalanan at magbalik-loob na sa Kanya. Humupa ang galit ng
Diyos at hindi nawasak ang bayan ng Nineveh. (Jonah 3:4 ff)
Ito ang inspirasyon ng buong araw (24 oras) na kilos-panalangin na isinagawa ng Clergy for Good Governance, Isaac (Institute for Studies in Asian Church and Culture) at iba pang mga simbahan. Nagawa at patuloy pa ring gagawin ang iba’t ibang pagkilos sa antas ng pulitika at sektoral na pagkilos. Subalit kailangang magkaroon ng hayagang pagtukoy sa malalim na ugat-espirituwal, moral at kultural na sanhi ng ating mga problema.
Malinaw na kumikilos ang maraming mga indibidwal at grupo sa bansa sa mga nagdaang buwan. Mula Disyembre 2024 hanggang Pebrero 2025, apat na grupo na ang naghain ng impeachment complaint laban sa bise presidente. Noong Pebrero 4, 2025 mahigit 1/3 ng House of Representatives ang nagpadala ng “articles of impeachment” sa Senado. Ngunit, hanggang ngayon, malinaw na hindi sang-ayon ang Senate president at ang karamihan ng mga kasama nito na simulan ang impeach trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.
Nagsimula ang pagdribol ng mga hindi namang basketbolistang mga senador. Hanggang sa ibinalik (remand) ang mga pinadalang “articles of impeachment” sa pinanggalingan nito. Mabilis namang kumatig sa 19 ang 13 mahistrado ng Korte Suprema na nagdeklarang “unconstitutional” o labag sa Konstitusyon ang hugis ng “articles of impeachment.” Dahil sa deklarasyong ito ng Korte Suprema, tila hindi na matutuloy sa taong ito ang impeachment at pinakamaagang pagpapatuloy nito ay sa Pebrero 2026.
Hindi pinag-uusapan ang laman at dahilan ng impeachment. ‘Nalulunod o nilulunod’ ang impeachment sa usaping teknikal o sa iba’t ibang maliliit na detalye at titik ng batas. Malinaw ang galaw ng pulitika sa mga pangyayari. Maliwanag kung sinu-sino ang magkakampi at sino ang kinakampihan. Ngunit pulitika lang ba ang salarin? Habang nangyayari ang lahat ng ito, kung anu-anong ingay ang lumalabas sa media.
Umugong ang mga nawawalang sabungero sa lawa ng Taal. Kung ilang linggong sinusubaybayan ng lahat ang paghahanap sa mga labi ng mga missing sabungero. May konting ingay tungkol sa mga sabungero ngunit unti-unti na itong napalitan ng iskandalo ng mga “multo o minumultong flood control projects”.
Pagdating sa usaping impeachment tila cool o malamya ang tugon ng Presidente. Maraming nagtataka rito dahil kung meron mang dapat mangamba sa usapin ng impeachment ay siya at ang mga kakampi nito dahil gagawin ng kabilang partido ang lahat para muling maagaw ang poder na nawala sa kanila.
Maaaring ituloy natin ang pagsusuri sa antas ng pulitika at kalimutan na meron pang iba at mas malalim na antas na kinikilusan at pinagkukunan pa ng lakas ang naturang problema. “Mawawasak ang Niniveh kung hindi magsisi at magbabalik-loob sa Diyos ang lahat ng mga naroroon.” Tila, tayo ang bagong Nineveh, at hindi lang ang bantang parating ang isinisigaw ni Jonah kundi hinihingi nitong imulat natin ang ating buong pagkatao na matagal nang nagsimula ang pagkawasak ng ating bansa.
Mula noong pinatay si Benigno “Ninoy” Aquino, 42 taon na ang nakararan. Mula nang pinatalsik ang diktador at ang kanyang pamilya noong Pebrero 1986 hanggang ngayon, bumalik na ang lahat ng pinaalis at ang dating iilang dinastiya ay ngayon dumami, lumakas at nagkampihan pa. Karamihan sa mga ito ay walang pinakikinggan, parang walang konsensya o Diyos maliban sa kapangyarihan at salapi.
Kayang-kaya nilang patayin ang impeachment. Kayang-kaya nilang patayin ang katotohanan at supilin ang katarungan at ang anumang pagkilos para sa kalayaan mula sa mga ugat o sanhing suliranin ng bansa.
Panawagan ng mga kumilos noong nakaraang Biyernes hanggang Sabado, mula senador hanggang Simbahan ng Ina ng Remedios, Malate, Korte Suprema at EDSA Shrine: “Tingnan ng lahat ang kasalanang nasa loob na sumisira sa bawat isa at sa buong bansa. Mag-ayuno, magsuot ng sako at magbudbod ng abo sa buong katawan.
Dagukan ang dibdib at paulit-ulit humingi ng tawad at biyaya na totoong magbago”.
Simula pa lang ito. Dapat umabot sa lahat ang mensahe at kumilos na rin ang lahat sa pag-amin sa kasalanan, paghingi ng tawad at pagbabalik-loob sa Diyos. Doon sa kaloob-looban at katahimikan ng budhi at kaluluwa, manalangin, makinig at sumunod sa Panginoong Diyos. Amen.
Comments