top of page

Kawawa ang publiko sa puslit na sigarilyo, vape — eksperto, consumer groups

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 8 hours ago
  • 4 min read

ni Chit Luna @News | May 16, 2025


File Photo: FP



Ang pagkalat ng mga peke at puslit na produktong tabako sa merkado ay nagpapataas ng panganib sa kalusugan at humahadlang sa pagtatangka ng mga naninigarilyo na huminto, ayon sa mga eksperto sa kalusugan at mga grupo ng consumer.


Hindi lamang nito pinagkakaitan ang gobyerno ng bilyun-bilyong kinakailangang kita kundi pinalalala rin nito ang krisis sa kalusugan ng publiko sa pamamagitan ng paglalantad sa mga mamimili sa mas murang mga produkto na lubhang nakakalason at hindi regulado, sabi ng mga eksperto.


Natuklasan ng isang pag-aaral na inilathala sa Canadian Medical Association Journal na ang pagkakaroon ng mga sigarilyong hindi binubuwisan o kontrabando ay sumisira sa pagtatangka ng mga naninigarilyo na huminto sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas murang alternatibo at pagpapataas ng posibilidad ng pagbalik sa bisyo o patuloy na paggamit.


Ang parehong kalakaran ay naobserbahan din sa Pilipinas, kung saan maraming mga iligal na sigarilyo ang ibinebenta nang mas mababa sa kalahati ng presyo ng mga legal na brand.


Ang murang mga iligal na sigarilyo ay sumisira sa mga estratehiya ng gobyerno tulad ng 'sin taxes,' na idinisenyo para pigilan ang paninigarilyo. Kung ang mga naninigarilyo ay maaari pa ring makakuha ng mga murang alternatibo, natatalo ang layunin sa kalusugan ng publiko, ayon kay Adolph Ilas, chairman ng Consumer Choice Philippines.


Ang iligal na kalakalan ay lumitaw din bilang isang malaking pagkawala ng kita para sa gobyerno. Ang datos mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na binanggit ng OSSTG Ways and Means Committee ay nagpapakita na ang maling deklarasyon at pagpupuslit ng mga produktong vape ay magdudulot ng P62.52-bilyong kakulangan sa koleksyon ng excise tax ngayong taon.


Sa unang bahagi pa lamang ng 2025, mahigit P5 bilyong halaga ng mga iligal na vape ang nakumpiska.


Tumaas din muli ang antas ng paninigarilyo sa Pilipinas matapos ang halos isang dekada ng pagbaba. Base sa datos ng gobyerno sa isang pagdinig sa sponsorship para sa House Bill 11360, sinabi ni Nueva Ecija Representative Mikaela Suansing na ang paglaganap ng paninigarilyo ay tumaas sa 23.2 porsiyento noong 2023 mula sa 18.5 porsiyento noong 2021. Ito ay iniuugnay sa pagkakaroon ng mas mura at iligal na mga produktong tabako na bumaha sa merkado nitong mga nakaraang taon.


Ang mga natuklasan mula sa ilang internasyonal na pag-aaral ay nagpapakita na ang mga iligal na produktong tabako ay naglalaman ng mas mataas na antas ng mga mapaminsalang sangkap. Ipinakita ng isang pag-aaral na inilathala ng U.S. Centers for Disease Control and Prevention (CDC) na ang mga pekeng sigarilyo ay naglalaman ng mataas na antas ng cadmium, lead, at thallium, mga metal na nauugnay sa kanser, pinsala sa bato at iba pang malubhang sakit.


Ang mga iligal na produktong tabako ay mas mapanganib kaysa sa mga legal dahil hindi ito ginagawa sa ilalim ng anumang uri ng pangangasiwa sa kaligtasan, ayon kay Dr. Lorenzo Mata, presidente ng Quit for Good, isang grupo na nagtataguyod ng pagbabawas ng pinsala mula sa tabako.


Sinabi rin ni Suansing na bagama't ang Sin Tax Law ay unang nagdulot ng mas mataas na kita at mas mababang antas ng paninigarilyo, ang koleksyon ng excise tax ay patuloy na bumababa mula noong 2021.


Itinuro niya na ang excise tax collection na bumaba sa P160 bilyon noong 2022 mula sa P176 bilyon noong 2021. Ito ay patuloy na bumaba sa P135 bilyon noong 2023.


Nagpatuloy ang kalakaran hanggang 2024, kung saan iniulat ng BIR na bumaba pa ang koleksyon sa P134 bilyon.


Ibinunyag naman ni Senate Ways and Means Committee Chairman Sherwin Gatchalian sa isang pagdinig noong 2024 na ang pagkalugi sa buwis mula sa iligal na kalakalan ng sigarilyo ay umabot sa P342 milyon, habang ang mula sa iligal na mga produktong vape ay umabot sa P64 milyon.


Bilang tugon, pinaigting ng BIR ang mga aktibidad laban sa mga iligal na sigarilyo at mga produktong vape at nagsagawa ng 141 operasyon laban sa iligal na pagbebenta ng vape noong 2023.


Pinaigting din ng Bureau of Customs (BOC) ang mga inisyatiba nito laban sa smuggling. Sinabi ni BOC assistant commissioner Vincent Maronilla na nakahuli ang ahensya ng 318 kargamento ng mga iligal na produkto noong 2024, na may tinatayang halaga na P9.19 bilyon, o mahigit limang beses sa P1.71 bilyong halaga ng mga nahuli mula sa 131 operasyon noong 2021.


Sa buong mundo, tinataya na 14 hanggang 15 porsiyento ng lahat ng produktong tabako na kinokonsumo taun-taon ay iligal, na bumubuo sa halos 500 bilyong sigarilyo. Ang mga produktong ito ay karaniwang puslit at ginagawa nang hindi sumusunod sa mga pamantayan ng regulasyon, kaya't mas mura at mas madaling makuha ng mga mamimiling may mababang kita at ng kabataan.


Iniulat din ng International Chamber of Commerce (ICC) Counterfeit Intelligence Bureau na ang mga nakumpiskang pekeng sigarilyo ay naglalaman ng hanggang limang beses na mas maraming cadmium, anim na beses na mas maraming lead, 160 porsiyento na mas maraming tar at 133 porsiyento na mas maraming carbon monoxide kumpara sa mga legal na brand.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page