Kauna-unahang self-driving bus sa ‘Pinas, bibiyahe na
- BULGAR

- Sep 12, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | September 12, 2024

Good news para mga kababayan dahil inilunsad na ang kauna-unahang self-driving bus ng bansa sa Tarlac.
Ginawa ng Japan-based na Zenmov Inc. ang paglulunsad ng kanilang smart autonomous bus service, na minarkahan bilang unang publicly accessible na self-driving bus sa Pilipinas gamit ang Smart Mobility Operation Cloud (SMOC), sa New Clark City sa Capas, Tarlac nitong Martes.
Tinaguriang Primary Rapid Transit, ang bagong public transportation system ay tatakbo at daraan sa mga piling ruta sa New Clark City, Clark Freeport Zone, at Clark International Airport, kung saan mag-o-operate sa ilalim ng isang dispatching system base sa datos ng travel demand.
Ang inisyatiba ay partnership ng Zenmov at MC Transport Operation Inc., na nakatakda ring mag-deploy ng mga low-carbon electric vehicle at electric assisted bicycle, kasama ang mga smart pole, drone, at charging station para sa real time data collection.
Matatandaang noong October 2023, nilagdaan ng mga kumpanya ang isang memorandum of agreement (MOA) at ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), kasunod ito ng memorandum of understanding (MOU) ng BCDA at ng Japan’s national research and development agency na NEDO noong January 2023.
Sa isang statement, sinabi ni BCDA Executive Vice President at Chief Operating Officer Atty. Gisela Kalalo na marami tayong matututunan mula sa advanced at innovative transport system ng Japan. Sa pamamagitan ng pagsasama ng kanilang smart autonomous vehicle technology aniya, matitiyak natin ang isang mas sustainable at scalable transport solution sa Clark.
Ayon pa sa opisyal, positibo nitong babaguhin ang pang-araw-araw na pamumuhay ng mga naninirahan at nagtatrabaho sa loob ng Clark na gagawing mas madali ang pag-iikot, pagbabawas ng pagsisikip ng trapiko, at pagtataguyod ng isang green and low-carbon na kapaligiran.
Ang pagkakaroon natin ng self-driving bus ay malaking tulong para makabawas tayo sa lumalalang polusyon sa hangin at siyempre bawas-trapik na rin.
Kumbaga, nagiging clean and green environment na tayo na sadyang magpapabuti naman sa ating kalikasan.
Hindi lang ‘yun, magiging maayos na ang pagbibiyahe ng mga kababayan patungo sa Clark na posibleng dayuhin na rin ng mas maraming turista ang naturang lugar..
Sana lang ay magtuluy-tuloy na ang pagbuti ng ating transportasyon sa bansa na talagang mapapakinabangan ng mga mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments