top of page

Kaufman, out sa legal ni Digong

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 6 hours ago
  • 1 min read

ni Mylene Alfonso @News | May 10, 2026



Atty. Nicholas Kaufman - International Criminal Court

Photo: File / International Criminal Court



Nagbitiw na bilang lead defense counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) si Atty. Nicholas Kaufman matapos magtapos ang kanyang isang taong kontrata noong Marso 31, 2026.


Sa inihaing resignation ni Kaufman sa ICC na may petsang Mayo 8, sinabi niya na napagkasunduan niya at ni Duterte na tapusin na ang kanilang professional engagement.


Nakapili na rin aniya ang dating pangulo ng bagong abogado na hahawak sa kanyang depensa sa kinahaharap na kasong crimes against humanity kaugnay ng kontrobersyal na ‘war on drugs.’


Sinabi ni Kaufman na nakausap na niya ang bagong legal counsel ni Duterte at tiniyak naman umano nito na agad akuin ang kaso, kabilang ang pagharap sa susunod na paglilitis ng ICC na nakatakda sa Mayo 27, 2026.


Tiniyak din ni Kaufman na may sapat na karanasan sa ICC ang papalit na legal counsel ng dating pangulo kaya’t hindi maaapektuhan o maaantala ang takbo ng kaso ni Duterte.


Kasabay ng kanyang pagbibitiw, humingi rin si Kaufman ng pormal na pahintulot sa ICC upang makapag-withdraw bilang counsel, alinsunod sa proseso at regulasyon ng korte.

Samantala, wala pang inilalabas na pahayag ang kampo ni Duterte kaugnay sa pagkakakilanlan ng bagong lead defense counsel nito.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
Kim Domingo - Instagram.jpg
bottom of page