Katiwalian sa gov’t agency, tuldukan!

ni Ryan Sison - @Boses | October 31, 2020
Walang sasantuhin.
Ito ang pangako ng Department of Justice (DOJ) sa imbestigasyon hinggil diumano’y katiwalian sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.
Unang iimbestigahan ng ‘mega task force’ ang PhilHealth, Bureau of Customs (BOC), Bureau of Internal Revenue (BIR), Land Registration Authority (LRA) at Department of Public Works and Highways (DPWH).
Bukas naman ang mga nabanggit na ahensiya sa isasagawang imbestigasyon.
Nakasaad sa memo ng pangulo na sinumang sangkot sa anomalya — mapa-opisyal man ng gobyerno o pribadong indibidwal ay puwedeng kasuhan ng ‘mega task force’.
Samantala, tiniyak ng Malacañang na hindi ligtas sa imbestigasyon ang mga kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte na inaakusahan ng katiwalian.
Sa totoo lang, panahon na nga para busisiin at tuldukan ang mga katiwaliang nagaganap sa gobyerno dahil kahit may pandemya, hindi dapat isantabi ang usaping ito.
Kayo namang mga nasa puwesto, kayo ay tinaguriang lingkod-bayan, kaya gawin n’yo ang inyong tungkulin at ‘wag unahin ang pansariling interes gamit ang inyong posisyon sa gobyerno.
Imbes na magpasarap sa buhay, patunayan n’yong karapat-dapat kayo sa puwesto.
Mahirap maglingkod at tumugon sa pangangailangan ng taumbayan kung may mga gumagawa ng katiwalian sa gobyerno.
Panawagan naman sa mga kinauukulan, ‘wag puro pramis lang. Patunayang seryoso at wala tayong palalampasin sa isyung ito.
Iharap sa publiko sinumang mapatutunayang sangkot sa anomalya at panagutin ang dapat managot.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments