top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Katamaran sa obligasyon bilang asawa, sapat bang dahilan para maipawalang-bisa ang kasal?

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 26, 2021
2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | February 26, 2021



Dear Chief Acosta,


Naiintindihan kong may mga batayan ang pagpapawalang-bisa ng kasal, subalit, nais kong maliwanagan kung ang katamaran bang huwag gampanan ang obligasyon bilang asawa ay maituturing na sapat na dahilan upang maipawalang-bisa ang kasal? – Hannah


Dear Hannah,


Para sa inyong kaalaman, sa pagkakataong mapag-aalaman ng Hukuman, base sa ebidensiyang ipakikita sa paglilitis na lubusang walang kakayahang maging asawa ang isa sa kanyang pinakasalang tao ay maaaring maipawalang-bisa ang kasal bunsod ng psychological capacity (Article 36) na isa sa mga batayan sa ilalim ng Family Code of the Philippines.


Gayunman, binigyang-linaw ng Kagalang-galang na Korte Suprema sa kasong Maria Elena Bustamante Dytanquin vs. Eduardo Dytanquin (G.R. No. 234462, 7 Disyembre 2020, Ponente: Honorable Chief Justice Diosdado M. Peralta) na binigyang-sipi ang kasong Suazo vs. Suazo (629 Phil. 157, 180-181, 2010) na nagsasabing:


“The Court has held that mere difficulty, refusal or neglect in the performance of marital obligations or ill will on the part of the spouse is different from incapacity rooted in some debilitating psychological condition or illness; irreconcilable differences, sexual infidelity or perversion, emotional immaturity and irresponsibility and the like, do not by themselves warrant a finding of psychological incapacity under Article 36, as the same may only be due to a person’s refusal or unwillingness to assume the essential obligations of marriage.” (Binigyang-diin.) 

Samakatwid, ang personal lamang na katamaran o pagtangging gampanan ang tungkulin bilang asawa, nang hindi napatutunayan bilang psychological incapacity ay hindi sapat na basehan upang maipawalang-bisa ang kasal. Kinakailangan na mapatunayang ang katamaran o pagtanggi ay hindi personal na pinili o pinagsumikapan, bagkus ay nag-uugat sa pagkatao ng tao, na siyang hindi katanggap-tanggap sa kanyang pinakasalang asawa.


Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinion kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sumangguni sa abogado.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page