Kasunduan sa kasal
- BULGAR
- Sep 30, 2022
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | September 30, 2022
Dear Chief Acosta,
Ako at ang mapapangasawa ko ay gumawa ng kasunduan sa kasal at isa sa mga kondisyon ay kikilalanin niya ang aming sanggol na anak. Sa kasamaang-palad ay hindi natuloy ang kasal namin dahil sa selos. May bisa pa ba ang nasabing kondisyon kahit hindi natuloy ang kasal namin? - Lety
Dear Lety,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Artikulo 81 ng Family Code of the Philippines, kung saan nakasaad na:
“Art. 81. Everything stipulated in the settlements or contracts referred to in the preceding articles in consideration of a future marriage, including donations between the prospective spouses made therein, shall be rendered void if the marriage does not take place. However, stipulations that do not depend upon the celebration of the marriages shall be valid.” (Binigyang diin)
Nakasaad sa nasabing artikulo na lahat ng bagay na nakasaad sa kasunduan hinggil sa kasal sa hinaharap, kasama ang mga donasyon sa pagitan ng mga magiging mag-asawa ay magiging walang bisa kung hindi matutuloy ang kasal. Gayunman, ang mga kondisyon na hindi nakasalalay sa pagdiriwang ng kasal ay mananatiling may bisa pa rin.
Sa iyong sitwasyon, matuloy man o hindi ang iyong kasal ay may bisa pa rin ang pagkilala ng dati mong mapapangasawa sa inyong sanggol na anak dahil ang kondisyong ito ay hindi naman nakasalalay sa pagdiriwang ng inyong kasal. Bagkus, ito ay malayang salaysay o deklarasyon ng isang ama upang kilalanin ang kanyang anak na hindi nakadepende at walang kinalaman sa inyong naudlot na kasal.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments