Kasunduan sa car loan ng kumpanya
- BULGAR
- Jun 2, 2023
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 2, 2023
Dear Chief Acosta,
Nakakuha ako ng car loan sa aking dating kumpanya. Sa ilalim nito, pagmamay-ari nila ang sasakyan hanggang sa ito ay mabayaran ko ng buo. Kalaunan ay ilegal nila akong tinanggal kaya nagsampa ako ng kaso sa National Labor Relations Commission (NLRC) patungkol dito. Sila naman ay nanghingi ng bayad o pagsauli ng sasakyan bilang alternatibo. Maaari bang ipatupad ng dati kong kumpanya ang nasabing loan sa aking isinampang kaso sa labor?
– Gerrard
Dear Gerrard,
Ang sagot sa iyong katanungan ay tinalakay ng ating Kagalang-galang na Korte Suprema sa kasong “Hongkong and Shanghai Banking Corp., et al. vs. Spouses Bienvenido and Editha Broqueza” (G.R. No. 178610, 17 November 2010), na isinulat ni Kagalang-galang na dating Kasamang Mahistrado Antonio T. Carpio, kung saan nakasaad ang mga sumusunod:
“Finally, the enforcement of a loan agreement involves “debtor-creditor relations founded on contract and does not in any way concern employee relations. As such it should be enforced through a separate civil action in the regular courts and not before the Labor Arbiter
Batay sa nabanggit na desisyon, ang pagpapatupad ng kasunduan sa pautang (loan) ay nagsasangkot ng mga relasyon ng nangutang (debtor) – pinagkakautangan (creditor) na itinatag sa kontrata at hindi sa anumang paraan ay may kinalaman sa relasyon ng pamamasukan o paggawa.
Samakatuwid, ang iyong dating kumpanya ay hindi maaaring ipatupad ang nabanggit na car loan sa kasong labor na iyong isinampa dahil ito ay dapat na ipatupad sa isang hiwalay na kasong sibil sa regular na hukuman.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.








Comments