Kaso ng pagkamatay ni Dacera, kulang ang ebidensiya pero ‘sarado na’?!
- BULGAR
- Jan 10, 2021
- 2 min read
ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | January 10, 2021
Kaliwa’t kanan ngayon ang balita kaugnay sa kaso ni Christine Angela Dacera, ang PAL flight attendant na natagpuang walang malay sa bathtub ng isang hotel sa Makati noong Bagong Taon.
May kasama umano siyang 11 lalaki sa hotel para ipagdiwang ang Bagong Taon. At nang hindi nila umano magising si Dacera, dinala ng mga ito ang biktima sa ospital at doon na dineklarang patay na.
Batay sa imbestigasyon ng pulis, may krimeng naganap kaya inalam kung sinu-sino ang mga kasama ni Dacera noong gabing ‘yun. Tatlo sa 11 ay agad nasa kostodiya ng pulis habang hinahanap pa ang walo. Agad nagpahayag na ginahasa diumano si Dacera at pinatay, batay ulit sa kanilang imbestigasyon. Nagsampa ng unang kasong rape with homicide laban sa 11 ang PNP at nagpahayag na nalutas na ang kaso — ang bilis. Pero teka, sandali.
Nagpahayag ang isa sa 11 suspek na hindi niya magagahasa si Dacera dahil siya ay bakla.
Aniya, ang ibang lalaking dumating sa party na ‘yun ay mukhang mga bakla rin. Nang makita nila si Dacera na walang malay sa banyo, nag-CPR umano nito ang dalaga pero nang hindi na kinayanan at itinakbo na sa ospital.
Hindi rin sumang-ayon si NCRPO Chief Brig. Gen. Vicente Danao, Jr. na sarado o lutas na ang kaso. Dapat malinaw sa pulis kung sino ang gumahasa at kung ano talaga ang ikinamatay, mga detalyeng hindi pa inilalabas ng PNP. Kung nasobrahan sa alak o kung may sangkot na ilegal na droga. May lumabas pa sa social media na ang ikinamatay ni Dacera ay ruptured aortic aneurysm, kondisyon na delikado kung totoo talaga. At hindi pa nahuhuli ang ibang suspek kahit alam na ng PNP kung sino sila. Binantaan na ni PNP Chief Gen. Sinas na sumuko na ang walo kundi ay hahabulin na sila. Kaya paano raw masasabing sarado o lutas na ang kaso?
At tama ang mga pahayag ni BGen. Danao, Jr. ibinalik ni Makati City Prosecutor General Benedicto Malcontento sa pulis ang kaso para sa karagdagang imbestigasyon at ebidensiya, at pinalaya ang tatlong hawak na ng pulis. Lutas na raw ang kaso? Anyare? Lumalabas na kulang ang ebidensiya ng pulis para kasuhan na ang kanilang mga suspek. Ngayon, ang nais ng pamilya ni Dacera ay idaan sa ibang medico-ligal ang awtopsiya. Kaya siguro ayaw munang lumutang o sumuko ng walo dahil agad na silang inakusahan ng mabigat na krimen kahit hindi pa sila nakakausap. Baka ngayon lumutang na sila, at dapat lang para ibigay ang kanilang pahayag at panig. Malinaw na hindi pa lutas o sarado ang kasong ito. Nagmadali lang ang PNP. Bakit kaya?





Comments