Kaso na 'di na pang-Barangay
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | March 28, 2022
Dear Chief Acosta,
Ako po ay may nakabanggaan na tricycle sa kahabaan ng España sa Maynila. Ako ay tinakbuhan nito at hindi ko na ito nahabol. Pagkauwi ko ng bahay ay binalikan ko ang kuha ng aking dashcam kung saan nakuhanan ang aming banggaan at ang plaka at pagkakakilanlan ng tricycle.
Nagpunta ako sa pagawaan ng sasakyan upang ipa-estimate ang naging sira sa aking sasakyan. Ito ay umabot sa humigit-kumulang sampung libong piso (Php 10,000). Dahil dito ay pinadalhan ko siya ng demand letter sa address na na-verify ko sa Land Transportation Office (LTO). Sila naman ay tumugon na ang bagay na ito ay dapat daanin sa Barangay Conciliation. Tama po ba ito?
Aldwin
Dear Aldwin,
Ang sagot sa inyong katanungan ay matatagpuan sa Section 408 ng Republic Act (R.A.) No. 7160 (Local Government Code of 1991). Ayon sa nasabing probisyon:
“SECTION 408. Subject Matter for Amicable Settlement; Exception Thereto. – The lupon of each barangay shall have authority to bring together the parties actually residing in the same city or municipality for amicable settlement of all disputes except: xxx
(c) Offenses punishable by imprisonment exceeding one (1) year or a fine exceeding Five thousand pesos (P5,000.00;” (Binigyang-diin)
Ayon sa nasabing probisyon, ang isang krimen na may kaparusahan na lalagpas sa isang taon o may multa na higit sa limang libong piso ay labas sa saklaw ng amicable settlement ng Barangay. Sa iyong kaso, ito ay krimeng Reckless Imprudence Resulting to Damage to Property na ang kaakibat na kaparusahan ay multa na kasing-halaga ng naging sira o hanggang triple ng nasabing halaga. Kaya ito ay hindi na saklaw ng Barangay Conciliation
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments