top of page

Kasaysayan ng 'Pinas sa Women's Football - GINTO!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 7 minutes ago
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | December 19, 2025



SI goalkeeper Olivia McDaniel ang nagsilbing bayani nang masalo nito ang bola ng Vietnam at mapunta sa Filipinas ang gintong medalya ng 2025 SEAG Thailand.  								(pocpix)

Photo: Si goalkeeper Olivia McDaniel ang nagsilbing bayani nang masalo nito ang bola ng Vietnam at mapunta sa Filipinas ang gintong medalya ng 2025 SEAG Thailand.  (pocpix) 



Lumikha ng bagong kasaysayan ang Philippine Women's Football Team at tawagin na silang mga kampeon ng 2025 SEA Games. Lumiwanag ang Miyerkules ng gabi nang talunin ng Filipinas ang defending champion Vietnam sa makapigil-hiningang penalty shootout, 6-5, sa Chonburi Stadium.


Walang goal sa takdang 90 at karagdagang 30 minuto kaya kinailangan ang shootout. Ipinasok ng unang limang napiling sina Jael-Marie Guy, Alexa Pino, kapitana Hali Long, Angie Beard at Ariana Markey ang kanilang mga bola subalit natumbasan ito ng mga sumipa sa Vietnam, ang kampeon sa huling apat na SEA Games.


Pumasok sa "sudden death" at bawal magkamali pero sumipa ng malakas si Jackie Sawicki at hindi na ito naabot. Pagkakataon na ni Tran Thi Thu pero nabasa ni Olivia McDaniel na papuntang kanan ang bola at nasalo niya ito na naging hudyat ng selebrasyon ng mga Pinay.


Tinanggap ng Filipinas ang mga ginto kay PFF General Secretary Angelico Mercader. Pagkatapos ng "Lupang Hinirang" ay ginawaran ng uniporme si Long na may numerong 100 dahil ang kampeonato ay ang kanyang ika-100 laro para sa pambansang koponan.


Sinamahan ni Malea Cesar ang kanyang nakakabatang kapatid Naomi Cesar na kinuha ang ginto sa Women's 800M ng Athletics noong isang araw. Magkahalong lungkot at saya ang hatid ni beteranang goalkeeper Inna Palacios sa paghayag ng kanyang pag-retiro.


Asahan ang mabigat na 2026 para sa Filipinas simula sa AFC Women's Asian Cup Australia sa Marso na qualifier para sa FIFA Women's World Cup Brazil 2027. Susunod ang Aichi Nagoya Asian Games sa Setyembre.


Samantala, bigong makauwi ng medalya sa Women's Futsal nang yumuko ang Filipina5 sa host at dating kampeon Thailand, 0-5, sa labanan para sa tanso kahapon sa Bangkokthonburi University. Ang Vietnam at Indonesia ang magtatapat para sa ginto.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page