SEAG: Ika-4 sunod na ginto pinindot ng SIBOL Esports
- BULGAR

- 12 hours ago
- 2 min read
ni Gerard Arce @Sports | December 18, 2025

Photo: Ang SIBOL team na hari ng Mobile Legends: Bang Bang nang durugin ang Malaysia para sa pang-4 na ginto sa 2025 SEA Games, Thailand. (sibolpix)
Hindi napigil sa kanilang ikaapat na sunod na kampeonato ang SIBOL Pilipinas Esports National Team upang manatiling hari sa Mobile Legends: Bang Bang finals matapos walisin ang Malaysia sa iskor na 4-0 tungo sa gintong medalya sa 2025 Southeast Asian Games Esports event sa Chulalongkorn University sa Bangkok, Thailand kahapon.
Kinumpleto ng SIBOL na binubuo ng koponan ng Team Liquid na kinabibilangan rin ni Karl “KarlTzy” Nepomuceno, Alston "Sanji" Pabico (Middle Laner) Jaypee Dela Cruz (Roamer), Kiel "Oheb" Soriano (Gold Laner), Sanford Vinuya (EXP Laner), at Carlo "Caloy" Roma (6th Man/Roamer) na parte naman ng Twisted Minds Philippines, habang ginagabayan ang koponan ni coach Rodel Cruz.
Winalis ng SIBOL ang group stage sa 6-0 patungo sa championship round, kung saan madaling nakuha ang unang dalawang serye, bago napalaban ng husto sa Game 3 sa epikong comeback, bago tuluyang dominahin ang Game 4 sa mas tutok na pagpapamalas ng diskarte at tamang pili at plays tungo sa panibagong kampeonato.
“Nag-usap-usap lang talaga kami na hindi pa talaga namin kaya sa teamfight. Nag-defend muna kami. Nagkamali lang talaga ‘yung Malaysia,” pahayag ni Pabico sa naging matinding paghahabol sa ikatlong laro.
Ito na rin ang ikalawang gintong medalya para kina Nepomuceno na naging parte ng 2019 debut na ginanap sa bansa, kung saan kinatawan pa ito noon ng All-star cast. Naging sandalan si Nepomuceno sa ika-apat na laro gamit ang pambatong karakter na si Lancelot upang trangkuhan ang atake ng SIBOL.
Dinaluhan ang naturang tagumpay ni Philippine Olympic Committee (POC) president at pangunahing cheerleader na si Atty. Abraham “Bambol” Tolentino at Samahang Basketbol ng Pilipinas official Ricky Vargas, mga opisyales ng Smart Communications, gayundin si Philippine Esports Organizations (PESO) Executive Director Marlon Marcelo para sa panibagong kasaysayan.








Comments