ni Gerard Arce @Sports News | August 23, 2025

Photo: The Nation / Olympicthai
Binigyang-diin ng Philippine Olympic Committee (POC) at Philippine Sports Commission (PSC) na dapat maging patas ang bawat kalahok na magpapartisipa sa 2025 Southeast Asian Games, higit na pagdating sa kasarian kasunod ng kontrobersiyang bumalot kay Vietnamese volleyball star Nguyen Thi Bich Tuyen.
Umatras ang 25-anyos na opposite spiker sa 2025 FIVB Volleyball Women's World Championships sa bansang Thailand sa kanilang Volleyball Federation of Vietnam (VFV), ilang araw bago ganapin ang palaro. Ang rason ng 6-foot-2 power hitter na napilitan itong umatras dulot ng hindi binanggit na pagbabago sa patakaran ng FIVB, na lubusan umanong ikinalungkot nito.
Nabalot ng kontrobersiya ang paglalaro ni Tuyen na umano'y kinukuwestyon ang tunay na kasarian, na binabantayan ngayon sa pandaigdigang kompetisyon kasunod na rin ng pagdiskwalipika kina Olympian boxers Imane Khelif ng Algeria at Lin Yu Ting ng Taiwan.
Iminungkahi ni POC secretary-general Wharton Chan na nararapat na magsimula sa host country Thailand ang pagsasagawa ng ‘gender testing methods’ sa lahat ng mga atleta at mas maging mahigpit sa pagpapatupad nito.
“They have to follow strict rules, especially on equality. We cannot conform to unfair competition,” pahayag ni Chan sa mensahe sa Bulgar Sports kahapon. “Thai SOC should set parameters. I am sure even the Asian Volleyball president is against it. We will not condone.”
Bagaman hindi nasasakupan ang pagkatawan sa pandaigdigang estado sa SEA Games, nanindigan ang ahensya ng pampalakasan na dapat na mag-report ang pamunuan ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) na apektado ng kontrobersiya at tuluyang umaksiyon din ang Asian Volleyball Confederation sa mga ganitong suliranin.
“In the stand of athletes, hindi lang dapat sa doping ang tinututukang issue. We should also examine these kinds of circumstances. We should still support safe sport pa rin,” pahayag ni PSC Officer-In-Charge Executive Director Atty. Guillermo Iroy sa Bulgar Sports kahapon.






