Kasama ang mga alagang manok… GIGI, SA FARM NA LANG GUSTONG TUMIRA
- BULGAR

- 2 hours ago
- 3 min read
ni Mercy Lejarde @Showbiz Talkies | June 26, 2026

Photo: Gigi De Lana - IG
Ibinahagi ng aktres-singer na si Gigi De Lana sa isang panayam ang kanyang pangarap na mamuhay sa isang farm na malayo sa ingay ng lungsod.
“Ang dream life ko talaga ay tumira sa isang farm. May bahay ako ru’n, may mga manok at mga tanim. Gusto ko talaga ang nature. ‘Yung paglabas ko ng bahay, nakapaa lang ako at damuhan lang ang matatapakan ko. ‘Yun talaga ang dream house ko,” aniya.
In fairness, maganda ang pangarap na tahanan ng mahusay na singer. Ang pamumuhay sa isang tahimik at preskong kapaligiran na napapalibutan ng kalikasan ay maaaring makatulong sa kanyang kalusugan, lalo na’t siya ay may pericarditis—isang kondisyon kung saan namamaga ang lining na nakapalibot sa puso na maaaring magdulot ng biglaan at paulit-ulit na pananakit ng dibdib.
Kaya, go for your dreams, Gigi! Suportahan taka!
HINDI pa rin makapaniwala ang aktres-dancer na si Rochelle Pangilinan sa matagumpay na pagtanggap ng publiko sa mga reunion concerts ng Sexbomb sa loob at labas ng bansa.
Sa kanyang panayam sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA), sinabi ni Rochelle na ‘surreal’ ang karanasang muling makasama sa entablado ang kanyang mga dating kagrupo.
Ibinahagi ni Rochelle ang labis na kasiyahan at pagka-overwhelm na nararamdaman niya sa muling pagsasama-sama ng Sexbomb Girls, lalo na sa mainit na pagtanggap ng kanilang mga tagahanga.
Ayon kay Rochelle, hindi nila maipaliwanag ang saya sa tuwing sila ay nagtatanghal.
“‘Di po namin ma-explain ang saya. Kahit nu’ng nagpunta kami sa US (United States) last month, ‘di pa rin kami makapaniwala sa pagtanggap ng mga tao sa amin. Naiiyak pa rin kami dahil ‘di namin inaasahan ang lahat ng ‘to. Nanggaling kami sa punto na may mga taong walang tiwala sa amin.
“S’yempre, ‘di namin maiwasang dumating sa point na, ‘Oo nga, baka wala talaga tayo para sa ganu’n.’ Kaya minsan, naiisip namin na baka wala talagang mangyari. Pero ngayon, sobrang kabaligtaran ng nangyayari,” aniya.
Dagdag pa ni Rochelle, nakaaantig para sa kanila na makita ang mga Pilipino sa ibang
bansa na kabisado pa rin ang kanilang mga kanta.
“Alam nila ang bawat lyrics ng kanta namin. Kasabay namin silang kumakanta mula umpisa hanggang dulo ng concert. Du’n namin naramdaman kung gaano kalaki ang naging epekto namin sa mga Filipino,” saad niya.
Sa panayam ng mahusay na TV host na si Boy Abunda, binalikan din ni Rochelle ang kanilang unang malaking concert sa isang coliseum.
“Surreal po talaga. Ibang klase nu’ng narinig namin ang sigawan ng mga tao. Nang dumilim ang venue at narinig po namin ang music namin, ibang klase ang kilabot. At ‘yung sigawan, grabe, parang nakakatunaw, ‘di maintindihan, na gusto mong ibigay lahat. Gusto mong mag-tumbling agad, kaya lang ‘di pa puwede. Ganu’n ang energy namin. Wawasakin namin ang stage para sa inyo,” kuwento niya.
Aniya, ang sabayang pagkanta ng mga manonood sa kanilang mga awitin ang isa sa pinakamahalagang patunay ng kanilang tagumpay.
“‘Pag sinasabayan nila ang kanta namin, pakiramdam namin, may napatunayan na kami. Parang ‘yun ang nagsasara ng book namin at nagpapatunay na may naabot kami,” dagdag niya.
Isa rin sa mga pinakapaboritong sandali ni Rochelle sa kanilang pagbabalik-entablado ang muling makasama ang kanyang mga kapwa-Sexbomb.
“Lagi ko silang tinitingnan isa-isa habang nasa stage kami dahil itine-treasure ko ang bawat moment na magkakasama kami. ‘Di ko alam kung kailan ‘to mauulit. Alam nila na madali akong maiyak ‘pag nasa stage,” ani Rochelle.
Ipinaliwanag din niya na bilang mga ina at may kani-kanyang responsibilidad na sa buhay, hindi na tulad noon na madali silang makapagtipon anumang oras.
“Mommy na kaming lahat at may kani-kanya nang priorities. ‘Di na katulad dati na isang tawag lang ay magkakasama na kami agad,” pagtatapos niya.
In fairness, totoo naman na may pinalaki at napatunayan ang Sexbomb.
Pak, tumpak!





Comments