Kasama ang French actress na si Eva Green… CHAI, PROUD NA ISA SA BIDA SA HOLLYWOOD MOVIE
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters! | January 16, 2023

Masayang ibinalita ni Chai Fonacier na kasama sa Filipino-Irish thriller movie na Nocebo na hindi niya sukat-akalain na isa siya sa mga bida sa nasabing pelikula na idinirek ni Lorcan Finnegan dahil nga ang kilalang French actress and model na si Eva Green ang kasama niya.
Nu’ng nag-audition kasi siya ay hindi naman agad ito binanggit sa kanya hanggang sa sinabi na at saka siya nagulat.
Ginampanan ni Chai ang karakter na yaya at manggagamot who practices traditional folk healing na tubong-Cebu.
Ayon kay Chai ay limang buwan at kalahati siyang nag-shoot sa Dublin, Ireland at isang linggo naman sa Manila. Sayang nga lang at hindi nakarating dito sa bansa si Eva Green dahil sa pandemya.
At dahil manggagamot ang karakter ni Chai at ipinakita sa screening ang props na ginamit niya kapag gumagawa siya ng seremonyas at may nagsabi na minsan ay may dalang bad spirit ang mga ganitong seremonyas, kaya tinanong namin ang aktres kung naniniwala siya rito.
Aniya, “The props outside (lobby) are the actual props that we used for Diana in the film and they were sourced in places like Quiapo, which means they are actual items that practitioners use. We also consulted a local shaman (healer) about how to handle these things because you’re not going to lose anything if you take extra precautions.”
“I think there are things na hindi natin ma-explain, so, wala namang mawawala siguro kung maniwala or mag-ingat,” nakangiting sagot ng aktres.
Sundot naming tanong ay kung may third eye ba siya.
“Actually, hindi ko alam, ha, ha! May mga na-experience ako before pero hindi naman ako ‘yung klase na nakakakita. Nakakaramdam at affected nang konti 'pag meron, pero hindi naman laging nangyayari, so, I guess wala naman.”
Kapag may nararamdaman si Chai ay nag-e-establish siya ng personal space niya.
“Iniisip ko na, okay, ito ang personal space ko, walang puwedeng pumasok dito unless puwede o pinapayagan ko. 'Pag hindi kita pinayagan, hindi ka puwede, and parang nagwo-work naman.”
Binanggit namin na unang beses naming marinig ang tungkol sa personal space kasi kadalasan, kapag may naririnig kaming ganito ay nananalangin ang nakararamdam nito para mawala ang mga bad spirits.
“Ahh, ako, personal space lang, steady lang. Sabi nila, kapag natakot ka, lalo kang tatakutin.
So, ako, nag-establish ako ng sarili kong espasyo,” diin ni Chai.
Ikalawang international movie na ni Chai itong Nocebo. Ang una ay ang Argentine movie na The Human Search na nai-shoot sa Bohol noong 2016.
“But this Nocebo was my first international film na nag-shoot ako outside the country,” say ni Chai na mapapanood na sa Enero 18, Miyerkules, distributed ng TBA Studios.
Umabot siya ng limang buwan at kalahati sa Dublin, Ireland na location ng shoot at isang linggo sa Manila.
Ipinagmamalaki ni Chai na sobrang mababait at mapagbigay ng importansiya ang production team sa ibang bansa na kapag sumobra sa 10 hours ay abut-abot ang paghingi ng dispensa.
“The Film and TV workers deserved more kasi the film and TV industry, nakakapag-contribute na economically sa Pilipinas. I think it’s about time na magkaroon na tayo ng government support para ang industry workers natin ay may benepisyo, work hours, saktong pahinga.
Mga basic lang naman ito na karapatan ng mga workers na at least, maibigay sa media workers in general, entertainment and news. I think we all deserve that.
“Kasi nu’ng nag-shoot ako ru’n (Dublin), naramdaman ko talaga na proper manggagawa ang feeling ko, Monday to Friday, tapos 'pag tapos (shooting) na nang alas-otso, tapos na. Kung may night scenes, late ang call namin. 'Pag nag-overtime, super sorry sila kasi nag-overtime ng 15 minutes. ‘Yung mga workers, may overtime pay sila. Mga actors, walang overtime pay, pero the rest, mayroon lahat. Saka pumapasok kami sa umaga na saktong nakapahinga lahat, kaya work mode, naka-focus. Saka may mga unyon sila, dito wala,” mahabang sabi ni Chai.
Sa pagkakatanda namin ay mga benepisyo rin ng mga taga-industriya at media workers ang gustong isulong ni Senador Robinhood Padilla dahil nga naaawa siya sa kalagayan ng mga ito. May balita na kaya?
Anyway, hindi nagpahuli ang Filipina actress kay Eva Green at sa British actor na si Mark Strong pagdating sa pag-arte na sa tingin namin ay minani lang ito ni Chai.
Ang Nocebo ay isinulat ni Garret Shanley na mapapanood na rito sa Pilipinas sa Enero 18 distributed ng TBA Studios.





Comments