Kasado na sa incentives si Yulo
ni Gerard Arce - @Sports | October 27, 2021

Inaprubahan ng Philippine Sports Commission (PSC) ang halagang P750,000 para kay Filipino Olympic gymnasts Caloy Yulo bilang gantimpala sa ginto’t pilak na naiuwi nito para sa men’s vault at parallel bars event sa 2021 FIG World Artistic Gymnastics Championships sa Kitakyushu, Japan.
Pinakaraming nasungkit na medalya sa World championship ang 21-anyos na multi-medalist din ng 2019 SEAG sa men’s vault na may 14.916 points, habang 4th place sa 2020 Tokyo Olympics, at sapat ang 15.300 para sa silver medal finish sa parallel bars.
Ipinaliwanag ni PSC chairman William “Butch” Ramirez na ang nakasaad sa mga probisyon at mga kondisyon na napapaloob sa Republic Act no. 10699 o kilala rin bilang National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act ay hindi nasasakop ang taunang-world competitions ng gymnastics tulad ng FIG. Sa kabila nito, kinikilala ng ahensya ang espesyal na tagumpay ni Yulo para pagkalooban ng insentibo.
“He has bounced back and showed us all that he is still our world champion in gymnastics,” wika ni Ramirez, na sa kabila ng pagpupunyagi ay nabigo si Yulo sa paboritong men’s floor exercises na unang napanalunan noong 2019 Stuttgart World championships.
Ayon sa batas ay mabibigyan ng awtomatikong P1-M, P500,000 at P200,000 ang wagi sa gold-silver-bronze medal sa World-level competitions.
Noong nagkampeon si Yulo sa Stuttgart sa men’s floor exercise, nakakuha ito ng P500,000 para sa gold at dagdag P500,000 dahil sa pagiging kauna-unahang Filipino na nakakuha ng makasaysayang tagumpay at pinagkalooban ng P250,000 sa bronze medal victory sa 2018 Doha World Championship.





Comments