top of page
Search
  • BULGAR

Karma ni AAMBIS OWA party-list Rep. Sharon Garin, usap-usapan ngayon sa Kamara!

ni Ka Ambo - @Bistado | November 28, 2020



Bida ngayon sa mga kuwentuhan sa Kamara ang sinapit na kapalaran ni AAMBIS OWA party-list Rep. Sharon Garin.


May nagbibiro na nakarma umano ang lady solon!


◘◘◘


Hindi siya nabigyan ng puwesto ni Speaker Lord Alan Velasco gayung siya ang unang nag-ober-da-bakod mula sa kampo ni Rep. Alan Peter Cayetano.


Sa totoo lang, nang sibakin siya ni Cayetano bilang chairman ng House Committee on Economic Affairs dahil sa paninira, agad nagdidikit agad ito kay Velasco!


◘◘◘


Habang nagmamaniobra sa speakerships sinasabing palaging dumadalo sa mga papulong ni Velasco si Garin dahil target nito na makopo ang House Ways and Means committee.


Nadismaya si Garin na imbes sa kanya ay ibinigay ni Velasco ang posisyon kay Rep. Joey Salceda.


Hindi nakapalag si Garin dahil mas kuwalipikado talaga si Salceda!


◘◘◘


Nagkakasya na lang sana si Garin na maging deputy speaker pero dumating ang birthday ni Velasco noong Nobyembre 9, hindi pa rin siya naitalaga.


Isa ‘yan sa sinasabing ipinagmumukmok ng kongresista kaya’t naiimbiyerna siya sa mga binigyan ng puwesto gayung hindi naman ibinoto si Velasco sa plenaryo!


◘◘◘


Iniulat ng media ang eksena sa birthday dinner ni Velasco na ginanap sa Rizal Hotel kung saan biniro ni Garin si Davao Rep. “Pulong” Duterte.


Sinipi ng ilang source ang biro ni Garin kay Pulong nang: “hindi ka naman bumoto kay Speaker Velasco pero nagkaroon ka ng puwesto”!


◘◘◘


Hinala ng mga nakasaksi na “half meant” joke ang diskarte pero nauwi ang biruan sa komosyon hanggang sa magkaawatan.


Bandang huli ay sinabi ni “Pulong” sa kanyang viber message sa mga kongresista na didistansya na ito sa ruling majority dahil nakukuwestiyon ang kanyang loyalty!


◘◘◘


Nagpahayag si Rep. Pulong na bibitiw sa House Accounts Committee, ang puwestong kinukuwestiyon ni Garin.


Mabigat na pader ang binangga ni Garin kaya’t dumaranas ito ng karma!


◘◘◘


Sa pinakahuling ulat, nakadidismayang malaman natin na hindi rin isinama ni Velasco ang pangalan ni Garin sa 21-man panel ng bicameral committee.


Mas masarap pa ang naging buhay niya sa panahon ni Cayetano dahil bukod sa chairman siya ng committee ay miyembro rin siya ng bicameral committee!


◘◘◘


Malakas din ang bulong-bulungan na malabo na ring maitalaga si Garin bilang deputy speaker.


Kung wala sa bicam si Garin na tatalakay sa 2021 budget kasama ang ilang senador, wala na siyang venue upang magkaroon ng posibilidad!


◘◘◘


May nagsasabi na kasama ang pangalan ni Garin sa mga nangangarap na kumandidatong senador sa 2022.


Mukhang malabo nang matupad ang lihim na ambisyong ito!

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page