Karapatang pantao, weather, weather lang ba?
- BULGAR

- Oct 12, 2024
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Oct. 12, 2024

Kakaiba ang chairman ng Commission on Human Rights (CHR) noong panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Tunay ngang kakaiba si CHR Chairperson Chito Gascon dahil hindi siya natakot na paimbestigahan ang sari-saring kaso ng extra-judicial killings (EJK) noong mga panahong iyon. Malayang nag-aanyaya si Chair Chito sa kanyang tanggapan sa CHR sa mga iba’t ibang samahang ipinaglalaban ang karapatang pantao.
Tinawag ang mga grupong ito na “HR Groups” (Human Rights Groups). Masaya at mabungang mga panahon iyon. Madalas na nagkikita-kita ang mga HR Groups sa opisina ng CHR sa imbitasyon ni Chair Gascon para talakayin ang iba’t ibang kaganapang may kinalaman sa karapatang pantao sa Pilipinas.
Maraming salamat kay Chairperson Gascon, merong pagdadaluhan ng mga pulong at pagdiriwang ng mga HR Groups. Nahinto ang lahat ng ito noong Oktubre 9, 2021 sa napakaagang pagkamatay ni Chair Gascon. Siya ay 57 taong gulang nang mamatay.
Noong nakaraang Miyerkules, nagtipun-tipon ang mga kaibigan ni Chair Gascon sa simbahan ng Peter and Paul sa Timog para mag-alay ng misa at ipagdiwang ang buhay at alaala niya. Sayang at hindi ako nakadalo dahil sa taunang “retreat” ng mga kaparian ng Diyosesis ng Cubao.
Sa nagdaang dalawang anibersaryo ng kamatayan ni Chair Gascon, tayo ang nagdiwang ng naturang misa. Laging dumadalo ang mga nakasama niya sa pakikipaglaban sa diktaduryang Marcos mula noong dekada 70 hanggang sa mabilisang paglikas ng buong pamilyang Marcos noong Pebrero 25, 1986.
Kung babalikan ang buhay ni Chair Gascon, madaling makikita kung bakit ganoon na lang ang pagmamahal at pagpapahalaga niya sa karapatang pantao.
Nakilala natin si Chair Gascon taong 1982 noong nag-aaral ito ng abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas. Makulay at makasaysayan ang taong iyon dahil sa kauna-unahang pagkakataon nanalo si Chair Gascon bilang pangulo ng Student Council ng UP Diliman. Hindi kasama si Chair Gascon sa mga malalakas na grupo ng mga estudyanteng nakahanay sa mga progresibong samahan ng mga mag-aaral ng UP.
Binuo nina Chair Gascon at mga kasama ang Nagkakaisang Tugon upang labanan ang mga malalakas na grupong progresibo sa UP. Miyembro si Chair Gascon at mga kasama sa UP Student Catholic Action. Nagulat ang mga kasama ni Chair Gascon sa pagkapanalo niya sa eleksyon noong taong iyon. Humanga rin sa pagkapanalo ni Chair Gascon ang mga estudyanteng kanyang katunggali. Mula noon hanggang ngayon, kung siya’y nabubuhay, tuloy pa rin ang masiglang pagsulong ng mga programa para sa karapatang pantao sa CHR.
Walang panahon na hindi isinulong ni Chair Gascon ang karapatang pantao. Kaya isa sa kilalang kasabihang lumalabas sa bibig ni Chair Gascon ay, “Keep pounding on the rock until it breaks!” Ito ang paulit-ulit ding ginagamit ng kaeskwela niyang si Chuck Crisanto sa pagsulong nito ng Martial Law Museum sa loob ng UP Diliman Campus.
Saan nanggagaling ang matibay na pananagutan, sing tibay ng bato na isulong ang karapatang pantao ni Chair Gascon? Mahigit nang 42 taon nating nakikilala si Chair Gascon, kung saan nakilala natin siya noong 1982 nang naglingkod tayo bilang katulong na pari ni Msgr. Manny Gabriel sa UP Diliman. Tumulong tayo sa pagtataguyod ng UP Student Catholic Action o UPSCA. Doon natin nakita ang pundasyon ng pananaw, paninindigan at pagkatao ni Chair Gascon.
Merong apat na elemento ang humubog kay Chair Gascon. Una, ang kanyang pananampalataya. Laging nagtatanong siya sa atin hinggil sa pananampalataya. Regular siyang nangungumpisal upang panatilihing matibay ang kanyang kaugnayan sa Panginoong Hesu-Kristo. Pangalawa, ang kanyang pagmamahal sa Inang Bayan na kanyang pinanday sa tunay na makabayang kapaligiran ng UP Diliman. Pangatlo, ang kanyang pagiging kaibigan at bukas sa lahat. Bagama’t nilabanan niya ang hindi niya ka-kulay, kapareho sa pananaw at ideolohiya, mahinahon at magalang siya sa mga katunggali at sa lahat. Pang-apat, napakahusay niyang magsalita, magtalumpati, magpaliwanag. Ang salita ay ang kanyang sandata sa pamamahayag ng katotohanan at paninindigan na humihikayat at bumubuo ng puwersa ng pagkakaisa. Sa kanyang buong buhay hanggang sa huling sandali nito, naririyan ang tinig ni Chair Gascon na handang mamamahayag, lumaban at magsulong sa kanyang pananaw at paninindigan.
Hindi nagbago si CHR Chair Chito Gascon. Maraming mga nagsimulang aktibista ngunit naging “praktikal,” at tila pinagpalit ang pananaw at paninindigan sa magandang puwesto, magandang sahod sa pamahalaan o saan man. Napakaraming nagbago, na meron pang kumampi at naglingkod sa gobyerno sa ilalim ng kinakalaban.
Kabaliktaran na ang bukambibig, taliwas sa dating pananaw at paninindigan. Sila ang mga naging mamamayang “weather-weather” lang.
Salamat sa paalala Chair Gascon na ang pananalig sa Diyos, pagmamahal sa bayan, mabuting pakikitungo sa lahat, at ang matibay at tuluy-tuloy na pamamahayag ay tunay ngang “all weather,” ulan o araw man, magulo o mahinahon man, masalimuot o mahirap man at iba pa ang buhay. Salamat sa iyong halimbawa ng buhay na walang tigil at walang sawa ang pagpukpok sa bato.








Comments