Karapatang mabigyan ng “road right of way”
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | April 11, 2022
Ang easement ay isang uri ng pasanin ng isang immovable, karaniwan ay sa lupa, para sa kapakanan ng isa pang immovable na pag-aari ng ibang tao. Ang isang easement ay maaaring para sa kapakinabangan ng publiko o nakararami o ng pribadong tao. Ang immovable kung saan ang easement ay itatatag ay ang tinatawag na servient estate. Dominant estate naman ang tawag sa immovable kung saan magiging pabor ang easement na itatatag.
Ang karapatan na mabigyan ng road right of way ay nakapaloob sa Article 649 ng New Civil Code kung saan nakasaad ang mga sumusunod:
“The owner, or any person who by virtue of a real right may cultivate or use any immovable, which is surrounded by other immovables pertaining to other persons and without adequate outlet to a public highway, is entitled to demand a right of way through the neighboring estates, after payment of the proper indemnity.”
Ayon sa nasabing batas, ang sinuman na ang pag-aari ay pinaiikutan ng iba pang pag-aari ng ibang tao na walang madaanan patungo sa highway ay may karapatang humingi ng right of way pagkatapos na magbayad ng kaukulang bayad-pinsala. Ang bayad-pinsala ay nangangahulugan na babayaran ng nangangailangan nito ayon sa presyo ng parte ng lupa na kanyang gagamitin at sa laki ng kapinsalaan ng lupang gagamitin. Ang right of way ay dapat na panatilihin sa isang punto na pinakakaunti ang pinsala sa servient estate.
Sa kabilang banda kung ang isang kapiraso ng lupa na nakamtan sa pamamagitan ng pagbili, pakikipagpalit o pagkabahagi ay napaliligiran ng ibang lupain ng nagbenta, nagpalit o ng co-owner, siya ay inoobliga ng batas na magbigay ng right of way nang walang bayad-pinsala.
Ang karapatan ng isang tao na mabigyan ng road right of way bagaman naaayon sa batas, hindi ito maaaring ipagsapilitan. Kaya mainam na ito ay mapag-usapan nang maayos ng magkabilang partido. Kapag ang usapin o negosasyon patungkol dito ay hindi magiging tagumpay ay kakailanganin ang pamamagitan ng hukuman para hindi magkaroon ng kaguluhan. Ang interbensyon ng husgado ay makapangyayari sa pamamagitan ng pagsasampa ng petisyon sa husgado ng taong humihingi nito.
Sa kaso ng Quintanilla vs. Abangan (G.R. No. 160613, February 12, 2008, Ponente: Honorable Associate Justice Antonio Eduardo B. Nachura),sinabi ng Korte Suprema na;
“To be entitled to an easement of right of way, the following requisites should be met:
1. The dominant estate is surrounded by other immovables and has no adequate outlet to a public highway;
2. There is payment of proper indemnity;
3. The isolation is not due to the acts of the proprietor of the dominant estate; and
4. The right of way claimed is at the point least prejudicial to the servient estate; and insofar as consistent with this rule, where the distance from the dominant estate to a public highway may be the shortest.”
Kaya naman kinakailangan na kapag ang isang tao ay nagsampa ng petisyon para sa Easement of Right of Way ay mapatunayan niya sa hukuman ang apat (4) na rekisitong ito para siya ay mabigyan ng right of way. Ilalahad niya nang mainam sa hukuman sa pamamagitan ng ebidensiya kung bakit siya kinakailangang mabigyan ng right of way. Marapat din na ang maibibigay na road right of way ay ang pinakamababa ang abala sa may-ari ng lupang hinihingan ng nasabing right of way. Ang karampatang kabayaran ay nararapat din na maibigay sa may-ari ng lupaing magbibigay ng nabanggit na right of way.





Comments