Karapatang mabigyan ng COE kahit tinanggal sa trabaho
- BULGAR
- Apr 24, 2023
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 24, 2023
Dear Chief Acosta,
Natanggal ako sa trabaho kamakailan, sapagkat hindi ko napigilang makipagsagutan sa aking kaopisina. Nais kong mabigyan ako ng certificate of employment ng dati kong employer, sapagkat hinihingi ito sa kumpanyang in-apply-an ko ngayon. Ayaw ibigay ng dati kong kumpanya ang nasabing dokumento, sapagkat terminated diumano ang status ko. Tama ba sila? –Olive
Dear Olive,
Para sa iyong kaalaman, ang Section 10, Rule 14, Book 5 of the Omnibus Rules Implementing the Labor Code of the Philippines ang panuntunan na naaangkop sa iyong sitwasyon. Ayon sa nasabing probisyon ng batas:
“SECTION 10. Certification of employment. — A dismissed worker shall be entitled to receive, on request, a certificate from the employer specifying the dates of his engagement and termination of his employment and the type or types of work on which he is employed.”
Malinaw sa nabanggit na panuntunan na nararapat bigyan ang isang manggagawang hindi na konektado sa kumpanya ng certificate of employment kapag siya ay humingi nito. Dapat ding ilagay sa nasabing dokumento ang panahon ng kanyang pagtatrabaho at ang mga posisyong kanyang ginampanan sa kumpanya.
Sa kabilang banda, nakasaad naman sa Labor Advisory No. 06, Series of 2020 o sa Guidelines on the Payment of Final Pay and Issuance of Certificate of Employment ang mga sumusunod:
“III. Issuance of Certificate of Employment – The employer shall issue a certificate of employment within three (3) days from the time of the request by the employee.”
Samakatuwid, alinsunod sa mga nabanggit na panuntunan, nararapat lamang na ibigay ng iyong dating employer ang iyong certificate of employment tatlong araw mula nang ito ay hingin mo sa kanila. Ang certificate of employment ay hindi maaaring ipagkait sa iyo ng dati mong kumpanya dahil lamang hindi ka na konektado sa kanila o ang iyong status sa kanila ay terminated. Pakatandaan mo rin na ang nasabing dokumento ay kadalasang hinahanap ng bago mong employer, sapagkat nilalaman nito ang panahon ng iyong pagtatrabaho sa dati mong kumpanya at maging ang mga posisyon na iyong ginampanan sa kanila.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Magandang araw po. Paano po kung ayaw bigyan ng Coe kasi natanggal ako at May naiwan na company loan? .Kaya wala akong COE tama po ba yun? Salamat po sa sagot atty. Sana mapansin niyo ang aking katanungan. Salamat ng marami.