Karapatan sa ilalim ng Malasakit Centers Act
- BULGAR

- Oct 5
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 4, 2025

Sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 11463 na may titulong “Malasakit Centers Act,” nakasaad ang polisiya ng Estado na mapabuti ang paghahatid ng mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa mga mamamayang Pilipino, lalo na ng mga maralita. Layunin nitong bigyan sila ng gabay at “access” o daan sa mas mabilis na proseso ng pagkuha ng tulong medikal at pinansyal para sa kanilang pangangailangang pangkalusugan.
Upang maisakatuparan ang layunin at polisiyang ito ng Estado, nakasaad sa probisyon ng naturang batas ang obligasyon ng Estado na:
(a) Magpatibay ng multi-sectoral at pinaiksing proseso sa pagtugon sa mga isyu sa kalusugan at pagtibayin ang likas na pinagsama-sama at hindi mahahati na ugnayan sa pagitan ng mga serbisyong pangkalusugan at panlipunan na naaayon sa “whole-of-government,” “whole-of-society” at “whole-of-system” framework ng Republic Act No. 11223, o kilala bilang “Universal Health Care (UHC) Act”.
(b) Tiyakin na ang mga pasyente ay makararanas ng pakikiramay at malasakit, at tumanggap ng paggalang at dignidad sa pagkuha ng mga serbisyong pangkalusugan.
(c) Magbigay ng tulong medikal at pinansyal sa pamamagitan ng isang one-stop shop.
Sang-ayon sa Seksyon 5 ng Batas na ito, magkakaroon ng isang Malasakit Program Office sa Department of Health (DOH) sa pamamagitan ng pagdaragdag, muling pag-uuri at pagpapalakas sa umiiral na Public Assistance Unit (PAU) ng DOH. Ang Malasakit Program Office ang mangangasiwa sa mga operasyon ng Malasakit Centers. Para maisakatuparan ang pagtatag ng centers, ang DOH, sa pakikipag-ugnayan sa Department of Budget and Management (DBM), ay dapat tiyakin ang paglikha ng sapat at naaangkop na mga plantilla positions at staffing pattern sa Malasakit Program Office. Magkakaroon ng Malasakit Center sa lahat ng ospital ng DOH at sa Philippine General Hospital (PGH) na may tungkulin na:
(a) Maglingkod bilang one-stop shop para sa tulong medikal at pinansyal.
(b) Magbigay ng gabay at tulong sa pasyente, maging ng referral sa mga health care provider networks o tagapagbigay ng pangangalagang pangkalusugan.
(c) Magbigay ng impormasyon tungkol sa membership, coverage at benefit packages sa National Health Insurance Program.
(d) Idokumento, iproseso, at gamitin ang tala mula sa karanasan ng pasyente sa pamamagitan ng isang standardized form upang hubugin ang mga pagbabago sa institusyon sa ospital.
(e) Magbigay ng capacity-building at performance evaluation para matiyak ang magandang interaksyon sa kliyente.
(f) Magbigay ng kritikal na impormasyon sa malusog na pag-uugali at magsagawa ng mga aktibidad sa pagtataguyod ng kalusugan sa ospital.
Ang tulong pinansyal ay tumutukoy sa anumang uri ng tulong sa pananalapi o pera na maaaring sa anyo ng guarantee letter, pera o tseke, na sumasaklaw sa paglilibing, transportasyon, at iba pang kaugnay na tulong tulad ng pagkain, damit, general assistive devices, na ibinigay ng mga ahensya at ipinag-uutos ng mga umiiral na batas, tuntunin at regulasyon na magbigay ng naturang tulong.
Ang tulong pinansyal na ibabahagi ng Malasakit Center sa mga pasyenteng maralita at may kahirapan sa pera ay dapat na ayon sa pangangailangan gaya ng inirekomenda ng medical social worker at ng kanilang doktor. Itinuring na maralita ang isang pasyente kapag wala siyang kita, o kaya ang kanyang kita ay hindi sapat para sa ikabubuhay ng kanyang pamilya, ayon sa pagsusuri ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), social worker ng lokal na pamahalaan o ng medical social worker ng health facility.
Ang pasyente na may kahirapan sa pera ay tumutukoy sa isang pasyente na hindi nauuri bilang indigent ngunit nagpapakita ng malinaw na kawalan ng kakayahan na magbayad o gumastos para sa mga kinakailangang gastusin para sa pagpapagamot ng isang tao, tulad ng mga pasyenteng may mabigat na karamdaman o anumang karamdaman, na may banta sa buhay at nangangailangan ng matagal na pagkakaospital, napakamahal na therapy o iba pang espesyal ngunit mahahalagang pangangalaga na makakaubos ng mga mapagkukunang medikal at pinansyal ng isang tao.







Comments