Karapatan sa edukasyon ng mga Pinoy
- BULGAR
- Dec 4, 2022
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | December 4, 2022
Nakapaloob sa ating Saligang Batas ang tungkulin ng Estado na magbigay ng libreng edukasyon sa mamamayang Pilipino. Kasama sa tungkulin ang bigyan ng regulasyon ang mga pampubliko at pribadong eskuwelahan para magsilbing gabay sa kani-kanilang panuntunan upang ganap na maipatupad ang alituntuntin ng pamahalaan na bigyan nang maayos na edukasyon ang mamamayang Pilipino.
Nakasaad sa Artikulo X, partikular sa Seksyon bilang isa ng 1987 Philippine Constitution ang sumusunod na probisyon:
“SEKSYON 1. Dapat pangalagaan at itaguyod ng Estado ang karapatan ng lahat ng mga mamamayan sa mahusay na edukasyon sa lahat ng antas at dapat magsagawa ng angkop na mga hakbang upang matamo ng lahat ang gayong edukasyon.”
Makikita sa mga nabanggit na probisyon ang pangunahing tungkulin ng Estado na pangalagaan at itaguyod ang karapatan ng lahat ng mamamayan na hindi lamang mabigyan ng edukasyon, kundi ng mahusay na edukasyon sa lahat ng antas. Nang dahil sa tungkulin na ito ng Estado ay ipinahayag din sa ating Saligang Batas ang mga angkop na hakbanging dapat isagawa ng Estado upang maitaguyod ang karapatan ng mamamayan sa maayos na uri ng edukasyon. Kung kaya ang sabi ng ating Saligang Batas, ang Estado ay dapat na:
(1) Magtatag, magpanatili at magtustos ng isang kumpleto, sapat at pinag-isang sistema ng edukasyong naaangkop sa mga pangangailangan ng sambayanan at lipunan;
(2) Magtatag at magpanatili ng sistema ng libreng pambayang edukasyon sa elementarya at hayskul. Hindi bilang pagtatakda sa likas na karapatan ng mga magulang sa pag-aaruga ng kanilang anak, ang edukasyong elementarya ay sapilitan sa lahat ng mga batang nasa edad ng pag-aaral.
(3) Magtatag at magpanatili ng sistema ng mga kaloob na iskolarsip, programang pautang sa estudyante, tulong na salapi at iba pang insentibo na dapat ibigay sa karapat-dapat na estudyante sa mga paaralang publiko at pribado, lalo na sa mga kulang-palad;
(4) Pasiglahin ang di-pormal, impormal at katutubong mga sistema ng pagkatuto, at gayundin ang mga programang pagkatuto sa sarili, sariling pag-aaral at pag-aaral sa labas ng paaralan, lalo na yaong tumutugon sa mga pangangailangan ng pamayanan; at
(5) Mag-ukol sa mamamayang may sapat na gulang, may kapansanan, at kabataang nasa labas ng paaralan ng pagsasanay sa sibika, kahusayang bokasyunal at iba pang kasanayan (Artikulo X, Seksyon 2, 1987 Philippine Constitution).
Kabahagi rin ng karapatan ng mamamayang Pilipino na sila’y mabigyan ng sapat na pag-aaral sa kung ano ang isinasaad ng Saligang Batas kung kaya kinakailangang maituro ito sa lahat ng mga institusyong pang-edukasyon sa ating bansa at maisama ito sa kurikula. Ang layunin nito ay upang isakatuparan na maikintal ang pagkamakabayan at nasyonalismo sa bawat mamamayang Pilipino. Kapag ang mamamayan ay mayroong pagpapahalaga sa kanyang bayan ay maisasakatuparan nito ang pagbibigay ng pag-ibig sa sangkatauhan, paggalang sa mga karapatang-pantao at pagpapahalaga sa gampanin ng mga pambansang bayani sa historikal na pagpapaunlad ng bansa. Igagalang at isasakatuparan niya ang mga karapatan at tungkulin ng pagkamamamayan.








Comments