Karapatan ng umuutang, nagsasangla at nagpapautang
- BULGAR
- May 21, 2023
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 21, 2023
Sa panahon ngayon, napakarami sa ating mga kababayan ang napipilitang umutang dahil sa hirap ng buhay. Lalo na noong panahong marami sa atin ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemyang idinulot ng COVID-19. Tunay nga namang lahat tayo ay naapektuhan. Marami ang nawalan ng kabuhayan, kaya naman marami ang kumapit sa patalim at sinubukang mangutang para maibangong muli ang kanilang kabuhayan kahit na mataas ang patubo. Kaugnay nito, ating alamin ang mga karapatan ng mga umuutang.
Mahalaga sa nagpapautang at nangungutang na ang lahat ng pinagkasunduan ukol sa pagkakautang at pagbabayad nito ay nakalagay sa isang kasulatan nang sa gayun ay pareho nilang magamit ang mga karapatan na ipinagkaloob sa kanila ng nasabing kontrata at batas.
Obligasyon ng bawat umuutang at nagpapautang na respetuhin ang karapatan ng bawat isa ayon sa batas at ayon sa kanilang napagkasunduan.
Ang mga sumusunod ay ang mga karapatan ng mga umuutang at nagsasangla ayon sa Articles 1953 - 1960 at Articles 2093-2122 ng New Civil Code of the Philippines:
1. Karapatang hindi magbayad ng interes sa pagkakautang kapag ang pagbabayad ng interes ay hindi pinagkasunduan at hindi nakasulat sa isang dokumento.
2. Karapatang hindi mapatungan at magbayad ng interes sa interes na babayaran o hindi nabayaran kapag walang napagkasunduan ukol sa pagbabayad nito.
3. Karapatang bawiin ang mga nabayarang interes kung ang pagbabayad ng interes ay hindi napagkasunduan ng magkabilang panig.
4. Karapatang obligahin ang nagpapautang na magbigay ng resibo ng kabayaran kapag ang pagkakautang ay nabayaran na ng buo ng nangutang.
5. Karapatang obligahin ang pinagkakautangan na kanselahin o ipawalang-bisa ang promissory note o napirmahang kasunduan ng pagkakautang kapag nabayaran na nang buo ang lahat ng pagkakautang.
6. Kapag ang pagkakautang ay may garantiya at mayroong isang bagay na isinangla bilang seguridad ng isang pagkakautang, ang umutang ay may karapatang ibenta ang nasabing prenda kapag nakuha niya ang pagsang-ayon ng nagpautang.
7. Karapatang hingin sa nagpautang na alagaan tulad ng isang mabuting ama ng pamilya ang bagay na isinangla sa kanya bilang garantiya ng isang pagkakautang.
8. Karapatang ipasauli mula sa nagpautang ang bagay na isinangla bilang garantiya sa pagkakautang kapag nabayaran nang buo ang nasabing pagkakautang, pati ang lahat ng interes nito.
9. Karapatang ideposito sa ibang tao ang bagay na isinangla bilang garantiya sa pagkakautang kung ito ay malagay sa peligro ng pagkawala o pagkasira dahil sa gawa o kapabayaan ng nagpautang.
10. Kapag mayroong makatwirang paniniwala o takot na ang bagay na isinangla ay masisira nang walang kapabayaan o kasalanan ang pinagsanglaan, karapatan ng nagsangla na bawiin ang bagay na isinangla at palitan ito ng bagay na kapareho nito o ng hindi mas mababang uri. Dapat isaalang-alang ang karapatan ng pinagsanglaan na ibenta ito at gamitin ang pinagbentahan bilang kapalit na seguridad ng pagkakautang.
11. Karapatang makisali sa public auction ng bagay na isinangla kung sakaling hindi mabayaran ang utang. Ang nagsangla ay may higit na karapatan kung pareho ang turing o alok niya sa pinakamataas na bidder.
12. Kapag ang bagay na isinangla ay ibenenta na sa isang public auction, ikokonsiderang bayad na ang obligasyon o pagkakautang kahit hindi magkasinghalaga ang presyo nito sa halaga ng obligasyon. Kung mas mataas ang pinagbentahan ng bagay na isinangla, ang nagsangla ay walang karapatang hingin ang sobra, maliban lamang kung ito ay bahagi ng kanilang pinagkasunduan. Kapag ang pinagbentahan naman ay mas mababa sa halaga ng obligasyon, wala ring karapatan ang pinagsanglaan na kunin sa nagsangla ang kakulangan nito kahit na may pinagkasunduan sila kontra rito.
Comentários