Astig na ‘meow, meow Congressman’ Barzaga, ‘nabahag ang buntot’ kay Rep. Abalos, anyare?
- BULGAR

- 45 minutes ago
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 4, 2025

ASTIG NA ‘MEOW, MEOW’ CONG. KIKO BARZAGA ‘NABAHAG ANG BUNTOT’ KAY CONG. JC ABALOS -- Si Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga ay pinatawan ng Kamara, base sa rekomendasyon ni 4Ps Partylist Rep. JC Abalos, chairperson ng House Ethics Committee ng 60 days suspension, at ang dahilan ng kanyang suspensyon ay ang mga malalaswang post niya sa social media, at bukod sa pagsuspinde sa kanya ay inatasan din siya ng Kamara na burahin na ang kanyang mga ipinost, pero sadyang may katigasan ito (Cong. Barzaga) kaya hindi niya idinelete ang kanyang mga post.
Ang katigasan ng ulo ni Cong. Barzaga ay tinapatan ng ultimatum ni Cong. Abalos na kung sa loob ng 24-oras ay hindi pa niya idi-delete ang kanyang mga malalaswang post ay may mas mabigat na gagawing aksyon (expulsion?) ang komite, at dahil sa babala na iyan, naobliga siya (Cong. Barzaga) na i-take down o i-delete na ang kanyang mga may kalaswaang post sa social media.
Ang nais nating ipunto ay ang feeling astig na si Cong. Barzaga na tinaguriang “meow, meow congressman” ay nagkaroon din ng katapat, ‘nabahag ang buntot’ niya kay Cong. Abalos, boom!
XXX
DAHIL ‘BINALAHURA’ NG SC AT COMELEC ANG PARTYLIST SYSTEM, KAYA MGA NAGING CONGRESSMAN MULA SA POLITICAL DYNASTY AT MGA KONTRAKTOR -- Nagsulong si Sen. Bam Aquino ng panukalang batas na reporma sa partylist system sa bansa, na ang nilalaman ay dapat lahat ng lalahok sa halalan na mga partylist ay iyong totoong may nire-represent na marginalized sector para hindi na maulit na maging partylist representatives sa Kamara ang mga mula sa political dynasty at mga kontraktor.
Sa totoo lang, hindi naman na sana kailangan ang panukalang batas na iyan ni Sen. Aquino kung hindi lang ‘binalahura’ ng Supreme Court (SC) at Comelec ang partylist system sa bansa dahil nakasaad naman talaga sa Konstitusyon na tanging marginalized sector lang mula sa mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, maralita, kabataan, kababaihan, katutubo ang pinapayagang lumahok sa eleksyon.
Kaya lang, noong April 2013 binago ng SC ang ruling, pinapayagan na ang mga political party, region sectors at mga organisasyon na magtatag ng mga partylist para sumali sa halalan, at ang ginawa naman ng Comelec kahit alam naman nilang mula sa mga political dynasty at mga kontraktor ang nominado na mga partylist, pinayagan pa, kaya ang resulta nang magsipagpanalo sa halalan, ang mga inatupag ‘mang-scam’ sa kaban ng bayan, pwe!
XXX
MGA KINURAKOT SA NAPAKALAKING UTANG NG ‘PINAS, TAUMBAYAN ANG MAGBABAYAD -- Inanunsyo ng Bureau of Treasury (BoT) na pumalo na sa higit P17.563 trillion ang utang ng Pilipinas sa iba’t ibang financial institutions sa mundo.
Sa utang na iyan, malaking bahagi riyan ang in-scam ng mga kurakot sa pamahalaan at mga kasabwat nilang kontraktor, at ang malungkot na katotohanan, iyong mga naibulsa ng mga “buwaya” ay wala na, at taumbayan pa ang magbabayad ng utang, tsk!
XXX
TILA RAMDAM NI MANONG CHAVIT, MAKUKULONG SIYA SA CITY JAIL SA PANAHON NG MARCOS ADMIN KAYA PANAY PANAWAGAN NA MAG-RESIGN NA SI PBBM -- Ayaw lumubay ni former Ilocos Sur Gov. Chavit Singson sa panawagang mag-resign na si Pres. Bongbong Marcos (PBBM).
Napaghahalata si Manong Chavit na ang laki ng takot niyang makulong sa panahon ng Marcos admin, dahil may mga isinampang kaso na sa kanya sa Ombudsman, na ‘ika nga tanging paraan na lang para hindi siya makalaboso sa city jail ay iyong mawala sa poder ang Marcos administration, kaya talaga namang maya’t maya nagpapa-presscon siya, nagba-vlog sa social media sa panawagang mag-resign na si PBBM, boom!








Comments