Karapatan ng seafarers kontra ambulance chasers
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | May 15, 2022
Kabahagi rin ng ating mga migranteng manggagawa ang mga seafarers o ang mga tinaguriang mandaragat. Malaki-laki ang populasyon ng mga mandaragat bilang kabahagi ng mga overseas Filipino workers (OFWs). Upang mabigyan ng proteksyon ang mga nabanggit na uri ng manggagawa, naisabatas ang Republic Act (R.A.) No. 107006 o mas kilala sa titulong “Seafarers Protection Act”. Nakasaad sa Section 2 ng nabanggit na batas ang mga sumusunod:
“SECTION 2.Declaration of Policy. — It shall be the policy of the State to promote and protect every Filipino seafarer desiring to work overseas by securing the best possible terms and conditions of employment. As some unscrupulous individuals have taken advantage of the plight of our seafarers who met an accident, illness or death in the course of their service by exploiting the compensation system, our seafarers have fallen prey to an unfair scheme where ambulance chasers charge exorbitant fees, with the promise of huge monetary award. Towards this end, such practice shall be declared unlawful.”
Sa mga nabanggit na probisyon, layunin ng batas na mapangalagaan ang ating mga mandaragat laban sa mga tao na maaaring magsamantala sa kanila. Espisipiko ang isinasaad ng polisiya ng batas, ito ay para maiwasang mapagsamantalahan ang mga mandaragat na namatay, naaksidente o nagkasakit habang sila ay nagtatrabaho bilang mga mandaragat.
Madalas kasi sa ganitong pagkakataon ang taong animo ay tumulong sa kanila na makuha ang kanilang mga “claims” ang siyang mananamantala sa kanila dahil sa laki ng hinihinging kabayaran mula sa kanila.
Sa nabanggit ng batas, pinarurusahan ang aktong “ambulance chasing”. Ang ambulance chasing sa ilalim ng R.A. No. 107006, ay isang akto na panghihikayat, personal man ito o sa pamamagitan ng isang ahente, mula sa mga mandaragat o ng kanilang mga kaanak at tagapagmana, na ipursige ang paghahabol na makuha ang anumang “claim” o benepisyo na maaaring makuha ng isang mandaragat sa kanyang employer, kasama ang legal na interes, buhat sa pagkaka-aksidente, pagkakasakit, o kamatayan nito, kapalit ng kabayaran na babawasin sa anumang kabayaran na igagawad sa mandaragat o sa kanyang pamilya o tagapagmana.
Upang maiwasan ang ganitong akto, kapag mayroong “claim” na isasampa ang isang mandaragat o ng mga kaanak nito sa National Labor Relations Commission (NLRC) o sa labor arbiter, National Conciliation and Mediation Board (NCMB), Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Department of Labor and Employment (DOLE) o anumang rehiyon nito at makikita na sila ay nirerepresenta ng ibang tao kapalit ng napagkasunduang kontrata ng pagbabayad, ang nabanggit na kasunduan sa pagbabayad ay hindi dapat lalampas sa sampung porsyento (10%) ng kompensasyon o benepisyo na igagawad sa mandaragat o sa kanyang mga tagapagmana.
Ayon sa Seksyon 5 ng parehong batas, ang sinuman na magsagawa ng aktong “ambulance chasing” ay maaaring maparusahan ng pagbabayad ng multa na hindi bababa sa limampung libong piso (P50,000) subalit hindi lalampas sa isandaang libong piso (P100,000) o pagkakulong ng isang (1) taon subalit hindi lalampas sa dalawang (2) taon na pagkabilanggo o parehas na multa o pagkakakulong. Kaparehas na kaparusahan ang maaaring ipataw sa mga taong mapatutunayang kasabwat.





Comments