top of page

Karapatan ng mga umuutang

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 29, 2021
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | August 29, 2021



Mahalaga sa nagpapautang at nangungutang na ang lahat ng pinagkasunduan tungkol sa pagkakautang at sa pagbabayad nito ay nakalagay sa kasulatan nang sa gayun ay pareho nilang magamit ang mga karapatang ipinagkaloob sa kanila ng nasabing kontrata at batas. Obligasyon ng bawat umuutang at nagpapautang na respetuhin ang karapatan ng bawat isa ayon sa batas at ayon sa kanilang napagkasunduan.


Ang mga sumusunod ay karapatan ng mga umuutang at nagsasangla ayon saArticles 1953 - 1960 at Articles 2093-2122 ng Civil Code of the Philippines:


Karapatang hindi magbayad ng interest sa pagkakautang kapag ang pagbabayad ng interest ay hindi pinagkasunduan at hindi nakasulat sa dokumento.


Karapatang hindi magbayad ng interest sa interest na babayaran o hindi nabayaran kapag walang napagkasunduan tungkol sa pagbabayad nito.


Karapatang bawiin ang mga nabayarang interest kung ang pagbabayad ng interest ay hindi napagkasunduan ng magkabilang panig.


Karapatang obligahin ang nagpapautang na magbigay ng resibo ng kabayaran kapag ang pagkakautang ay nabayaran na ng buo ng nangutang.


Karapatang obligahin ang pinagkakautangan na kanselahin o ipawalang-bisa ang promissory note o napirmahang kasunduan ng pagkakautang kapag nabayaran na nang buo ang lahat ng pagkakautang.


Kapag ang pagkakautang ay may garantiya at mayroong isang bagay na isinanla bilang seguridad ng pagkakautang, ang umutang ay may karapatang ibenta ang nasabing prenda kapag nakuha niya ang pagsang-ayon ng nagpautang.


Karapatang hingin sa nagpautang na alagaan, tulad ng mabuting ama ng pamilya ang bagay na isinanla sa kanya bilang garantiya ng pagkakautang.


Karapatang ipasauli mula sa nagpautang ang bagay na prenda ng umutang bilang garantiya sa pagkakautang kapag nabayaran na ng buo ang nasabing pagkakautang pati ng lahat ng interest nito.


Karapatang ideposito sa ibang tao ang bagay na isinangla bilang garantiya sa isang pagkakautang kapag nang dahil sa kapabayaan ng nagpautang, ito ay nalagay sa sitwasyong naging sanhi ng muntikang pagkawala o pagkasira nito.


Kapag mayroong rasonableng paniniwala o takot na ang bagay na isinanla ay masisira nang walang kapabayaan o kasalanan ang pinagsanglaan, karapatan ng nagsangla na bawiin ang bagay na isinanla at palitan ito ng bagay na kapareho nito o ng mas mababang uri. Dapat isaalang-alang ang karapatan ng pinagsanglaan na ibenta ito at gamitin ang pinagbentahan bilang kapalit na seguridad ng pagkakautang.


Karapatang makisali sa public auction ng bagay na isinanla. Ang nagsanla ay mas may karapatan kapag ang alok niya ay kapareho ng pinakamataas na nag-aalok ng presyo (bidder).


Kapag ang bagay na isinanla ay ibinenta ng pinagsanlaan sa public auction, ito ay paraan upang ikonsiderang bayad na ang obligasyon o pagkakautang kahit ang pinagbentahan nito ay mas mababa sa halaga ng obligasyon. Subalit, kung mas mataas naman ang pinagbentahan nito, ang nagsanla ay wala nang karapatang hingin ang sobra maliban lamang kung ito ay bahagi ng kanilang pinagkasunduan. Kapag ang pinagbentahan naman ay mas mababa sa halaga ng obligasyon, wala ring karapatan ang pinagsanlaan na kunin sa nagsanla ang kakulangan nito kahit na may pinagkasunduan silang kontra rito.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page