Search
  • BULGAR

Karapatan ng mga sekyu sa mga pribadong establisimyento

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | February 28, 2021


Marami sa mga manggagawa ay nagtatrabaho bilang security guards. Saan man magpuntang establisimyento ay makakakita ng security guards. Upang mapangalagaan ang kanilang mga karapatan, nagpalabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mga panuntunan para sa pag-empleyo ng security guards. Ito ay ang Department Order No. 14 Series of 2001 kung saan ang mga sumusunod na statutory benefit ng mga nabanggit na security guard ay nakapaloob:


  1. Karapatang magkaroon ng takdang probationary period of employment na hindi lalampas sa anim na buwan. Kapag sa loob ng probationary period ay hindi pumasa ang nasabing security personnel sa mga pamantayang itinalaga ng kanyang agency o principal employer, siya ay maaaring matanggal sa serbisyo. Ang nasabing mga pamantayan ay marapat na masabi sa nasabing security personnel sa araw na siya ay nagsimulang magtrabaho. Ang mga empleyado ng pribadong security agency na pinayagang magtrabaho pagkatapos ng itinalagang probationary period ay itinuturing na regular na empleyado.

  2. Karapatan ng security personnel na mabigyan ng kopya ng kanyang kontratang pirmado ng bawat panig at naglalaman ng mga pamantayan, maging ng mga itinalagang kondisyon ng kanyang pagtatrabaho.

  3. Karapatang mabayaran ng minimum wage maging ng holiday pay. Sa pagkakataon na ang wage order ay nagtalaga ng karagdagang allowance para sa security personnel, ang nasabing security personnel ay makatatanggap ng karagdagang allowance;

  4. Kapag ang security personnel naman ay nagtrabaho sa araw ng kanyang pahinga (rest day) o sa mga naideklarang special holiday, siya ay makatatanggap ng premium pay na katumbas ng 30% ng kanyang sahod para sa araw na iyon. Kung ang trabaho ay nataon na rest day at special holiday, ang premium pay ay 50%.

  5. Karapatang makatanggap ng overtime pay para sa pagtatrabaho nang labis sa walong oras kada araw. Ito ay katumbas ng 25% ng kanyang regular na suweldo para sa karaniwang araw at 30% para sa regular holidays, special holidays at rest days.

  6. Karapatan para sa 10% night shift pay para sa trabaho sa pagitan ng 10:00 p. m. hanggang 6:00 a.m. sa susunod na araw.

  7. Karapatan para sa 5-day service incentive leave para sa bawat taon ng serbisyo. Kapag hindi ito nagamit ito ay maaaring ipa-convert sa kanyang cash equivalent.

  8. Karapatan para sa pitong araw na paternity leave benefits para sa unang apat na panganganak kasama ang miscarriage.

  9. Karapatan para sa 13th month pay.


Ang monetary benefits na nabanggit sa itaas ay kasama sa cost contribution ng service contracts. Kapag ang security service contractor ay hindi nakapagbayad ng suweldo sa kanilang security guards/personnel, maaaring habulin ng security guards/personnel ang principal na kanilang pinagtatrabahuan. Kapag mayroong pagtaas ng suweldo pagkatapos na napirmahan ang service contract, ito ay sasagutin ng principal employer at ang kontrata ay sususugan para mailagay ang nasabing dagdag-benepisyo.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.