top of page
Search
  • BULGAR

Karapatan ng mga pasahero sa pagbiyahe sa mga public transport

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Abril 14, 2024



Obligasyon ng mga taong ang negosyo ay ang pagdadala ng mga pasahero sa lugar na kanilang gustong puntahan o mas kilala bilang mga common carriers, na dalhin ang kanilang mga pasahero sa kanilang destinasyon nang may ibayong pag-iingat. 


Kasama sa pag-iingat na ito ang pagsasaalang-alang ng mga common carriers sa lahat ng pagkakataon sa kanilang kapaligiran, katulad ng isang mabuting ama ng isang pamilya.  Kaugnay nito, kapag ang nasabing obligasyon ay nalabag, nangangahulugan lamang na mananagot ang mga nasabing common carriers sa kamatayan at kapinsalaan ng mga pasaherong kanilang isinakay, maging ang sanhi ng nasabing insidente ay sadya o dahil sa kapabayaan ng kanilang mga empleyado, kahit na nga ang mga naturang empleyado ay kumilos nang higit sa saklaw ng mga katungkulang iniatas sa kanila o kahit sila man ay lumabag sa mga utos at regulasyon ng mga nasabing common carriers.


Ang pananagutan ng isang common carrier na gumamit ng ibayong pag-iingat (extraordinary diligence) ay hindi maglulubay kahit na mapatunayan na ang nasabing common carrier ay gumamit ng ibayong pag-iingat sa pagpili at pamamahala sa kanyang mga empleyado. 


Gayundin na ang nasabing pananagutan ay hindi maaaring alisin o bigyan ng limitasyon sa pamamagitan ng istipulasyon, paglalagay ng babala, o paglalagay ng pahayag sa ticket o iba pa.  Magkagayon man, inaasahan ng batas at maging ng sirkumstansya na ang isang pasahero ay gumamit din ng ibayong pag-iingat katulad ng isang maingat na ama ng pamilya, para makaiwas sa kapinsalaan sa kanyang sarili.  


Para sa kaalaman at gabay ng mga pasahero, ang mga sumusunod na karapatan ay iginagawad ng batas:


  1. Karapatan ng bawat pasahero na makarating sa kanyang destinasyon o patutunguhan;

  2. Kapag ang isang pasahero ay nasugatan o namatay habang siya ay patungo sa kanyang destinasyon, ipinagpapalagay ng batas na ang common carrier ay nagkulang sa pag-iingat o nakagawa ng kapabayaan. Sa pagkakataong ito, ang nasabing pasahero ay may karapatang humingi ng bayad-pinsala mula sa common carrier;

  3. Sa mga pasaherong namatay, ang kanilang mga tagapagmana o kaanak ay may karapatang ihabla ang common carrier para makakuha ng bayad-pinsala sanhi ng pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay;

  4. Bukod sa kasong sibil ay maaari ring magsampa ng kasong kriminal ang mga kaanak ng nasabing namatay o nasugatan na pasahero laban sa common carrier at sa empleyadong may dala rito (Reckless Imprudence Resulting to Homicide / Physical Injuries) para papanagutin ang mga ito;

  5. Kung mayroon mang karagdagang kapabayaan ang isang pasahero sa insidenteng kinasangkutan ng isang common carrier, hindi ito nangangahulugan na hindi na makakakuha ng angkop na bayad-pinsala ang nasabing pasahero o kanyang mga kaanak, kapag ang pangunahin o pinakamalapit na dahilan ng kamatayan o pinsala ng nasabing pasahero ay ang kapabayaan pa rin ng common carrier.  Magiging dahilan lamang ito na mabawasan ang bayad-pinsala.


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page