Karapatan ng mga nagbebenta ng produkto
- BULGAR
- Aug 1, 2021
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | August 01, 2021
Dahil sa hindi sapat ang bilang ng trabaho, marami sa ating mga kababayan na sa halip mamasukan sa opisina para magtrabaho ay pinipiling mamuhunan para pakapagtatag ng sariling negosyo. Isa sa mga pinakamadaling itatag na pangkabuhayan ay ang pagtitinda. Sa pakikipagkalakalan, may mga pagkakataon kung saan ang kanyang paninda ay ipinauutang sa mamimili.
Sa pagkakataong ang nagbebenta ay hindi nabayaran, siya ay may karapatan sa ilalim ng batas upang mabawi mula sa mamimili ang anumang pinsala na kanyang matatamo dahilan sa hindi natupad ng mamimili ang kanilang kasunduan. Ang mga karapatang ito ay nakapaloob sa Section 1525 hanngang 1535 ng New Civil Code.
Sang-ayon sa Article 1525 ng nasabing batas, ang nagbebenta ay tinataguriang “unpaid seller” kapag siya ay hindi pa nababayaran o ang kabuuan ng kabayaran ay hindi pa niya natatanggap mula sa bumibili o kung ang ibinayad na instrumento ng bumili ay tinanggap na may kondisyon at ang kondisyon ay hindi natupad dahilan sa ang nabanggit na instrumento ay hindi kinilala (dishonored) o dahil nawalan na ng kakayahang magbayad ang bumibili.
Sa ganitong pagkakataon, ang nasabing “unpaid seller” ay may karapatan sa ilalim ng batas na pigilan ang delivery ng mga nasabing kalakal kapag ito ay nasa biyahe pa lamang (“stoppage in transitu”).
Ang mga kalakal ay tinataguriang nasa biyahe na (in transitu) mula sa oras na naipadala na sa land, water o air carrier o sa pamamagitan ng iba pang paraan ng pagpapadala para makarating ang mga kalakal sa bumili ng mga ito. Maaaring gamitin ng unpaid seller ang karapatang “stoppage in transitu” sa pamamagitan ng muling pagkuha sa kanyang posisyon ang mga kalakal o sa pamamagitan ng pagbibigay-abiso ng kanyang karapatan sa carrier(Article 1530, Civil Code).
Kapag ang “unpaid seller” ay nagbigay-abiso ng kanyang karapatan sa carrier o sa kaninumang may hawak ng kalakal, kinakailangang maibalik ng carrier sa “unpaid seller” ang mga nasabing kalakal. Ang lahat ng gastusin para sa muling pagbalik ng mga kalakal sa “unpaid seller” ay babayaran ng “unpaid seller” (Article 1532, Ibid.).
Kapag ang mga kalakal ay mabubulok o masisira o kaya naman ay may kasunduan ang nagbebenta at bumibili na maaaring ibentang muli ang mga kalakal kapag hindi nakabayad ang bumibili, ang nasabing “unpaid seller” ay may karapatang ibentang muli ang mga nabanggit na kalakal. Bukod sa karapatang ito, kapag ang “unpaid seller” ay makararanas ng pagkalugi dahil sa hindi pagtupad ng bumibili sa kontrata ng bentahan, maaaring humingi ng bayad-pinsala ang “unpaid seller” mula sa “buyer”. Kinakailangan lamang na ang “unpaid seller” ay gagamit ng rasonableng pangangalaga at desisyon sa muling pagbebenta ng mga nasabing kalakal (Article 1533, Id.).
Tulad ng ibang kontrata, kapag ang kasunduan ng pagbili ay hindi natupad dahil sa hindi nakabayad ang bumibili sa takdang panahon na napagkasunduan, may karapatan ang “unpaid seller” na kanselahin ang kontrata ng bentahan at humingi ng bayad para sa pinsalang kanyang natamo.
Marapat lamang tandaan ng nagtitinda na para mabigyang-proteksiyon ang sarili sa mga mapagsamantalang mamimili ay kinakailangang maglaan ng dokumento bilang katibayan ng kanyang pagtitinda at hindi pagkakabayad nang kabuuan ng napagkasunduang kabayaran para sa mga panindang kinuha mula sa kanya.




Comments