Karapatan ng mga mangingisdang Pinoy, ipaglaban!
- BULGAR
- Jun 2, 2024
- 2 min read
ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | June 2, 2024

Nitong Biyernes ay ipinagdiwang natin ang National Fisherfolks Day. Idineklara ang ika-31 ng Mayo bilang National Fisherfolks Day sa bisa ng Presidential Proclamation No. 261 upang bigyang pagpupugay at pagpapahalaga ang mga mangingisda.
Kinikilala din nito ang pangingisda bilang isa sa mga pangunahing hanapbuhay ng mga Pilipino at ang kontribusyon nito sa ating bansa.
Napapanahon ang pagdiriwang na ito dahil sa namumuong tensyon sa West Philippine Sea.
Nagdeklara kasi ng fishing moratorium ang Tsina sa South China Sea at ilang bahagi ng WPS.
Sa direktibang ito, inutusan ng Beijing ang kanilang coast guard na ikulong ang mga itinuturing nitong “trespassers” ng South China Sea nang walang paglilitis.
Bagama’t iprinotesta na ito ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Philippine Navy, hinihimok natin ang pamahalaan na gawin ang lahat ng kanilang makakaya para protektahan ang mga Pilipinong mangingisda.
Kailangang ipaglaban natin ang karapatan at kaligtasan ng mga mangingisdang naghahanap buhay lalo na iyong mga nasa loob ng exclusive economic zone kabilang ang Bajo de Masinloc na malapit sa Zambales at Pangasinan.
Iparamdam natin sa kanila ang ating suporta at bigyan silang kasiguruhan na nariyan ang pamahalaan na handang umalalay sa kanilang pangangailangan.
☻☻☻
Nais ko ring batiin ng Happy 354th Makati Day ang ating mga kapwa Makatizens. Tuwing June 1 kasi ay ipinagdiriwang ng lungsod ng Makati ang kanyang foundation day.
Mula noon at hanggang sa hinaharap, patuloy kayong makakaasa sa serbisyong Binay na laging handang maglingkod at makinig sa pangangailangan ng mamamayan ng ating lungsod.
Sama-sama tayo tungo sa mas maunlad na lungsod ng Makati!
☻☻☻
Patuloy pa rin tayong mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask pag kinakailangan, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal. Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Commentaires