top of page

Karapatan ng mga mag-aaral sa “No Permit, No Exam Prohibition Act”

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 9, 2024
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 9, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta


Nakasaad ang mga sumusunod na probisyon ng ating Saligang Batas, partikular sa Section 1, Article XIV na: 


“The state shall protect and promote the right of all citizens to quality education at all levels of education and shall take appropriate steps to make such education accessible to all.”


Makikita sa mga nabanggit na probisyon ang obligasyon ng Estado na protektahan at itaguyod ang karapatan ng lahat ng mga mamamayan sa dekalidad na edukasyon sa lahat ng antas nito.  Kaakibat ng obligasyong ito ng Estado ang paggawa ng naaangkop na mga hakbang upang gawing accessible at bukas sa lahat ang naturang edukasyon sa mga mamamayan, anumang antas ng lipunan ang kanilang kinabibilangan. 

Nito lamang Marso 2024, sa pagsulong ng Estado ng kanyang mandatong bigyan ng oportunidad ang mga mahihirap na mag-aaral na pagkalooban ng pagkakataong makapag-aral sa kabila ng kanilang kahirapan, ay nilagdaan ng ating Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang Republic Act (R.A.) No. 11984 o mas kilala sa pinaikling titulo na “No Permit, No Exam Prohibition Act.”  Ito ay nagbibigay kautusan sa mga pribado at pampublikong paaralan na payagan ang mga mahihirap na mag-aaral, na mayroong hindi nabayarang matrikula, na makakuha ng periodical at final examination. 


Sakop ng batas na ito ang lahat ng mga pribado at pampublikong basic (K to 12) institutions, higher education institutions, at maging ang mga technical-vocational institutions para sa higit isang taon na kurso. 


Ayon sa Seksyon 4 ng naturang batas, ang lahat ng mga eskwelahang nasasakupan ng batas na ito ay binibigyang mandato na paunlakan at payagan ang mga mahihirap na mag-aaral na makakuha ng kanilang periodic at final examination kahit na wala silang permit dahil hindi nakabayad ng tuition fee at iba pang bayarin. Sa mga mag-aaral sa ilalim ng K to 12, ang mandato ay sasakupin ang buong taon.

 

Inaatasan din ng batas na ito ang mga Municipal, City at Provincial Department of Social Welfare and Development Officer, o Regional Office ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mag-isyu ng kinakailangang certificate na naglalahad ng disadvantaged status ng isang mag-aaral dahil sa kalamidad, sakuna o emergency, at iba pang mabuti at makatuwirang dahilan alinsunod sa regulasyong ilalabas ng DSWD. 


Sa kabila ng alituntunin ng batas na ito ay kinikilala rin ng Estado ang karapatan at kapangyarihan ng mga educational institutions na hilingin ang pagsusumite ng mag-aaral ng angkop na promissory note, hindi ibigay ang mga records at credentials ng mag-aaral, at ng iba pang legal at administrative remedies na maaari nilang magamit upang maipatupad ang pangongolekta ng mga hindi nabayarang bayarin. Kung nanaisin naman ng eskwelahan na payagang makasali sa pagsusulit ang isang disadvantaged student kahit na walang certification mula sa angkop na DSWD office ay maaari nila itong gawin.


Ang mga sakop na eskwelahan ng batas na ito na mapatutunayang nagkasala ng paglabag ng Seksyon 4 ng batas na ito ay maaaring patawan ng administratibong parusa ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED) o Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). 




Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page