top of page

Karapatan ng mga kliyente ng mga abogado

  • BULGAR
  • Jun 26, 2022
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | June 26, 2022


Ang relasyon ng abogado at ng kanyang kliyente ay nakabase sa pagtitiwala ng kliyente sa kakayahan ng abogado na ipagtanggol at ipaglaban ang kanyang mga karapatan. Kinakailangan ang pagtitiwalang ito ay panatilihing hindi masira ng abogado hanggang sa kahit ang kanyang serbisyo ay natapos na. Kapag tinanggap ng abogado ang kaso ng kanyang kliyente, marapat na ipaglaban niya ito sa abot ng kanyang makakaya, nang naaayon sa sinasabi ng batas, nang buong kahusayan at ibayong pag-iingat nang sa ganun ay maipagtanggol niya ang kliyente.


Gayundin, na ang kaso ng kliyente ay hindi dapat tanggihan ng abogado dahilan lamang sa kanyang lahi, kasarian, paniniwala o ng kanyang sariling opinyon sa kinalaman nito sa kasong kanyang kinasasangkutan.


Karapatan ng kliyente na mapanatiling sikreto nila ng abogado ang kanilang bawat komunikasyon o bawat pinag-uusapan. Kaugnay nito kapag ang kliyente ay humingi ng payo sa abogado, karapatan niyang makakuha ng tapat at totoong payo tungkol sa kanyang problema.


Kapag ang abogado ay nakatanggap ng pera o ari-arian para sa kliyente, karapatan ng kliyente na masabihan ng abogado na mayroon siyang natanggap na pera o ari-arian para sa kanya. Kaugnay nito, responsibilidad ng abogado na pag-ingatan at ibigay sa kliyente ang mga nasabing pera o ari-arian. Kapag hiniling ng kliyente na ibigay sa kanya ang mga ito, responsibilidad ng abogado na ibigay ito sa kliyente. Kapag hindi ibinigay ng abogado ang mga ito, may karapatan ang kliyente upang idemanda ang kanyang abogado para mabawi ang mga ito.


Karapatan ng kliyente na hilingin sa abogado na ipagtanggol ang kanyang kaso nang may ibayong pag-iingat at husay. Hindi dapat humahawak ang abogado ng kaso nang walang preparasyon. Kapag nagpabaya ang abogado sa kaso at nagbunga ito ng kapinsalaan sa kliyente, ang nasabing abogado ay mananagot sa kliyente. Subalit sa pagtatanggol ng abogado sa kaso ng kliyente, dapat malaman din ng kliyente na magagawa lamang ng abogado niya ang mga bagay na naaayon sa batas. Hindi dapat gumawa ang abogado ng labag sa batas para lamang ipagtanggol niya ang kliyente sapagkat labag ito sa sinumpaang tungkulin ng mga abogado.


Kapag humingi ang kliyente mula sa abogado ng impormasyon sa estado ng kanyang kaso, ang abogado ay kinakailangang makapagbigay ng nasabing hinihinging impormasyon sa lalong madaling panahon.


Sa relasyon ng abogado at kliyente, marapat na mayroong pagtitiwala sa kanilang pagitan sapagkat ito ang magiging malakas na pundasyon upang magawa ng bawat panig ang kanilang responsibilidad upang makamit ang ipinaglalabang hustisya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page