Karapatan ng mga kabataan sa ilalim ng Republic Act No. 7610
- BULGAR

- May 12, 2024
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 12, 2024

Kinikilala ng batas ang karapatan ng mga kabataan sa ilalim ng Republic Act No. 7610.
Karapatang maprotektahan laban sa prostitusyon at iba pang uri ng pang-aabusong sekswal;
Karapatang maprotektahan laban sa anumang trabaho, pagtatangka, pag-anyaya, pagbubuyo o pamimilit para gumawa ng mga malalaswang palabas, sa aktuwal man o sa video, o maging modelo sa isang malaswang paglilimbag o mga materyal na itinuturing na pornograpiya;
Karapatang hindi gawing isang manlilimos (beggar);
Karapatang hindi magamit sa pagtutulak ng bawal na gamot;
Sa mga kabataan sa mga indigenous communities, sila ay binibigyan ng karapatang maprotektahan at makapamuhay ng ayon sa kanilang paniniwala, uri ng pamumuhay, at tradisyon. Mayroon din silang karapatan na mabigyan ng alternatibong uri ng edukasyon;
Bukod sa karapatang nabanggit, ang mga kabataan sa indigenous communities ay may karapatang mabigyan ng prayoridad sa pagdadala ng mga serbisyong pangkalusugan at nutrisyon. Sila ay may karapatan ding maprotektahan laban sa anumang uri ng diskriminasyon;
Sa mga kabataang nasa gitna ng digmaan (armed conflict), sila ay may karapatang hindi maging puntirya ng karahasan. Sila ay may karapatang maprotektahan laban sa anumang uri ng pananakot, pananakit, pagpapahirap, o anumang klaseng pagtrato na itinuturing na hindi makatarungan at makatao;
Karapatang hindi mahikayat o ma-recruit na maging miyembro ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas o anumang grupong sibilyan na may armas. Sila ay may karapatan ding hindi gawing kabahagi sa labanan o magamit na isang espiya, o kalatas (courier);
Sa mga kabataang nasa gitna ng digmaan, sila ay may karapatang mabigyan ng prayoridad upang mailikas dahilan sa nasabing digmaan; at
Sinumang kabataan na naaresto dahilan sa siya ay kalahok sa digmaan bilang isang mandirigma, kalatas, tagagabay o espiya, ay pinoprotektahan ng batas at ginagawaran ng mga sumusunod na karapatan:
Hiwalay na kulungan sa mga nasa tama o legal na edad, maliban kung sila ay kasama ng kanilang pamilya;
Maagap na libreng tulong legal;
Maipaalam sa kanilang mga magulang o sinumang nangangalaga sa kanila ang tungkol sa kanilang pagkaaresto; at
Mailipat ang kustodiya at pag-iingat sa kanila, sa loob ng 24 oras, sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) o anumang responsableng miyembro ng lipunan sang-ayon sa pag-aaral ng husgado.




Comments