Karapatan ng magsasaka at landlord sa bunga ng kanilang kasunduan
- BULGAR
- May 28, 2023
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 28, 2023
Kapag ang kasunduan ng magsasaka at may-ari ng lupa ay hati sila sa binhi na itatanim, gayundin sa abono na ilalagay bilang pataba sa mga pananim, ang relasyong nabuo sa pagitan nila ay hindi landlord-tenant kundi isang partnership.
Nakasaad sa Articles 1767 at 1771 ng New Civil Code of the Philippines ang mga sumusunod:
“Article 1767: By the contract of partnership two or more persons bind themselves to contribute money, property, or industry to a common fund, with the intention of dividing the profits among themselves.
Article 1771: A partnership may be constituted in any form, except where immovable property or real rights are contributed thereto, in which case a public instrument shall be necessary.”
Mula sa mga probisyon ng nabanggit na batas, makikita natin na ang nabuong relasyon sa pagitan ng magsasaka at may-ari ng lupa ay isang partnership. Ang kontribusyon ng bawat isa sa nasabing partnership ay lupa at kalahati ng binhi at abono o pataba ay mula sa may-ari ng lupa, habang ang kalahati ng binhi at abono o pataba at pagtatrabaho ay mula sa magsasaka. Anumang kikitain sa pagtatanim ay paghahatian nilang dalawa nang patas.
Bagama’t ang isang partnership ay dapat nakalagay sa isang nakasulat na kontrata kapag mayroong lupang nakasama sa kontribusyon, ang naging kasunduan ng magsasaka at may-ari ng lupa o sakahan ay mayroon pa ring epekto sa pagitan nila, at marapat lamang na maisakatuparan ang napagkasunduan nang may maayos na kalooban. Subalit dapat na masunod lamang ang mga napagkasunduan ng bawat panig, sapagkat kung mayroon pang karagdagang ginawa ang magsasaka na taliwas sa napagkasunduan, tulad ng pagpapatayo ng istruktura na hindi nalalaman ng may-ari ng lupa, maaaring ipatanggal sa nasabing magsasaka ang nasabing istraktura sa sarili niyang gastos dahil ang sinuman na magtayo ng isang istruktura sa lupa ng ibang tao na walang pahintulot ay tinataguriang “builder in bad faith.” At dahil ang pagpapatayo ay hindi pinahihintulutan, maaari itong ipaalis ayon sa Article 449 ng New Civil Code of the Philippines kung saan nakasaad na:
“Article 449. He who builds, plants or sows in bad faith on the land of another, loses what is built, planted or sown without right to indemnity.”
Kung mayroong paglabag sa kasunduan ay maaaring wakasan ang naging kasunduan bilang “partners” dahil sa mga paglabag sa mga napagkasunduan.
Comments