top of page
Search
BULGAR

Karapatan ng kasambahay na makapag-aral

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 19, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Isa akong kasambahay na nagnanais maipagpatuloy ang aking pag-aaral. Nais ko sanang malaman kung maaari ko itong gawin habang namamasukan sa aking amo.


Natatakot kasi ako na kung ako ay mag-aaral at magkaroon ng pagkakamali sa aking amo ay baka alisan ako ng lugar na matutulugan sa kanilang bahay. Salamat sa inyong kasagutan. -- Jan


 

Dear Jan,


Binibigyang pagkilala ng ating gobyerno ang mahalagang ambag ng mga kasambahay sa ating sambayanan at dahil dito, inaalagaan din ng ating mga batas ang kanilang mga karapatan, katulad ng pagkakaroon ng oportunidad na mag-aral. Ito ay matatagpuan sa Seksyon 9 ng Republic Act (R.A.) No. 10361, na kilala bilang “Domestic Workers Act” o “Batas Kasambahay”. Ayon dito:


“Section 9. Right to Education and Training. – The employer shall afford the domestic worker the opportunity to finish basic education and may allow access to alternative learning systems and, as far as practicable, higher education or technical and vocational training. The employer shall adjust the work schedule of the domestic worker to allow such access to education or training without hampering the services required by the employer.”


Nabanggit sa nasabing probisyon ng batas na ang mga amo ay nararapat na bigyang karapatan ang kanilang mga kasambahay na magkaroon ng oportunidad na tapusin ang kanilang pag-aaral ng basic education. Ang mga kasambahay ay dapat binibigyan ng pagkakataon na magkaroon ng access sa mga tinatawag na alternatibong paraan ng pag-aaral, o kahit makarating sa kolehiyo, o mga vocational trainings. Upang ito ay maisakatuparan, ang mga amo ay nararapat na ayusin ang oras ng trabaho ng kasambahay upang iakma sa oras ng kanilang pag-aaral. 


Maliban dito, nais din naming ipaalam sa iyo na hindi maaaring alisin ng mga amo ang mga pangunahing pangangailangan ng kanilang mga kasambahay bilang parusa sa kanilang pagkakamali. Ito ay nakasaad sa Seksyon 6 ng nasabing batas:


“Section 6. Board, Lodging and Medical Attendance. – The employer shall provide for the basic necessities of the domestic worker to include at least three (3) adequate meals a day and humane sleeping arrangements that ensure safety.


The employer shall provide appropriate rest and assistance to the domestic worker in case of illnesses and injuries sustained during service without loss of benefits.


At no instance shall the employer withdraw or hold in abeyance the provision of these basic necessities as punishment or disciplinary action to the domestic worker.”


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page