top of page

Karapatan ng isang foster child

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 12
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 12, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta



Sang-ayon sa ating Saligang Batas ay pangangalagaan ng ating Estado ang karapatan ng mga bata laban sa lahat ng uri ng pagpapabaya, pang-aabuso, kalupitan, pananamantala at sa iba pang kondisyon na maaaring ikasira ng kanilang pag-unlad.

Dahil dito, ipinasa ang batas na may layuning bigyan ng isang foster family ang isang batang napabayaan, naabuso, inabandona at ng mga batang mayroong espesyal na pangangailangan. Ang foster family na ito ay isang alternatibong pamilya na magbibigay ng pagmamahal, pangangalaga at pag-aaruga sa nasabing bata.


Kinikilala ng Estado na sa karamihang kaso, higit na makikinabang ang isang bata mula sa isang foster care kaysa sa isang institutional care. Ito ang dahilan kung bakit ipinatutupad sa ating bansa ang Foster Care Program. Ito ay isang mahalagang hakbang patungo sa pagkakabalik ng isang bata sa kanyang tunay na pamilya o, kung hindi man, sa paglalagay sa isang pamilyang mag-aampon at mag-aaruga sa kanya.


Ayon sa Article II ng Republic Act (R. A.) No. 10165 ang mga sumusunod ay maaaring sumailalim sa foster care:


(a) Isang bata na inabandona, isinuko, pinabayaan, umaasa ng suporta o naulila;

(b) Isang bata na biktima ng sekswal, pisikal, o anumang iba pang anyo ng pang-aabuso o pagsasamantala;

(c) Isang batang may espesyal na pangangailangan;

(d) Isang bata na ang mga miyembro ng pamilya ay pansamantala o permanenteng hindi kaya o ayaw magbigay sa bata ng sapat na pangangalaga;

(e) Isang bata na naghihintay ng adoptive placement at kailangang maging handa para sa buhay pampamilya;

(f) Isang bata na nangangailangan ng pangmatagalang pangangalaga at malapit na ugnayan ng pamilya ngunit hindi maaaring ilagay para sa domestic adoption;

(g) Isang bata na ang pag-aampon ay nagambala;

(h) Isang bata na nasa ilalim ng mahirap na kalagayan sa lipunan tulad ng, ngunit hindi limitado sa, isang batang lansangan, isang bata sa armadong labanan o isang biktima ng child labor o trafficking;

(i) Isang bata na nakagawa ng pagkakasala ngunit pinalaya base sa “recognizance”; nasa kustodiya o pangangalaga o kaya naman ang kaso ay na-dismiss na; at

(j) Isang bata na nangangailangan ng espesyal na proteksyon ayon sa pagsusuri ng isang social worker, isang ahensya o ng DSWD.


Sa pagpili ng foster parent, ang mga kamag-anak ng batang isasailalim sa foster care ay bibigyan ng prayoridad kapag sila ay kuwalipikado. Ang mga banyaga ay maaari ring maging kuwalipikadong maging foster parent kapag sila ay nanirahan na sa Pilipinas ng 12 buwan na diretso at maninirahan pa rin sa Pilipinas sa loob ng termino ng foster care.


Upang masubaybayan ang Foster Care Program, magkakaroon ng superbisyon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa foster parent at sa foster child. Magsasagawa ng home visit ang isang social worker at sa ganitong paraan ay makikita ng social worker ang kalagayan ng bata sa kanyang foster home at ang pakikitungo ng bawat foster parent sa kanilang foster child. 


Ang batang isasailalim sa foster care ay mabibigyan ng subsidy ng DSWD. Ang financial subsidy ay batay sa kung ano ang pangangailangan ng bata upang mabawasan ang pinansyal na obligasyon ng foster parent nito. Bukod sa financial subsidy sa bata, ang foster parent ay mabibigyan din ng support care services.

 






Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page