top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Karapatan ng buyer sa public auction sale

BULGAR
Apr 28, 2022
2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | April 28, 2022


Dear Chief Acosta,

Ako po ay nakabili ng lupa sa isang public auction sale sa aming lalawigan. Mangyari ay matapos ang isang taon ng paghihintay, hindi po biniling muli ng tunay na may-ari ang lupa at akin na po itong ipinarehistro sa aking pangalan. Matapos ito, tumawag po sa akin ngayon ang may-ari at sinasabi niyang kailangan niyang makuha ulit ang lupa. Ipaglalaban diumano po niya ang kanyang karapatan dito sa korte dahil mula pa sa kanyang mga ninuno ito kung hindi ko ito ibebenta muli sa kanya. Nais ko lamang po malaman kung maaari pa nila itong tubusin sa akin kahit lagpas na ang isang taong palugit at ito ay nairehistro ko na sa aking pangalan. May kailangan po ba akong bayarang bond para sa aking pagpaparehistro? Maraming salamat po.

Jolo


Dear Jolo,

Para sa inyong kaalaman, kinikilala ng ating batas at ng ating Kagalang-galang na Korte Suprema sa mga kasong Cua Lai Chu vs. Laqui (G.R. No. 169190, 11 February 2010, Ponente: Honorable Former Associate Justice Antonio T. Carpio), at Philippine National Bank vs. Sanao Marketing (G.R. No. 153951, 29 July 2005, Ponente: Honorable Former Associate Justice Dante O. Tinga), ang karapatan ng isang purchaser o buyer sa public auction sale/ foreclosure sale bilang absolute owner ng ari-ariang kanyang binili kung hindi ito tinubos ng tunay na may-ari sa loob ng isang (1) taon o sa loob ng panahon ng palugit na ibinibigay ng batas, matapos mairehistro ang sale na naganap, sa wastong Registry of Deeds.


Makalipas ang isang (1) taong palugit upang matubos ang ari-arian at hindi ito nagawa ng tunay na may-ari, maaari nang iparehistro ng purchaser o buyer at ipalipat sa kanyang pangalan ang ari-arian sa wastong Registry of Deeds nang walang pag-aalinlangan. Sa pagkakataong ito, siya rin ay may karapatan na mapasakamay ang kanyang nabiling ari-arian.


Hindi na kinakailangang magbigay pa ng bond ang purchaser o buyer sang-ayon sa Section 7 ng Act No. 3135 o batas para sa pagpaparehistro ng lupa sa puntong ito. Ang mga karapatang pag-aari at pagkamit ng ari-arian ay nailipat na sa purchaser o buyer matapos ang isang (1) taon at ang pag-issue ng writ of possession ay ministerial duty na lamang ng Korte.


Samakatuwid, kahit pa mahalaga ang ari-arian sa tunay na may-ari at hindi nila ito gustong mapunta sa ibang tao, hindi ito magiging sapat na dahilan upang pasubalian pa ang karapatan ng purchaser o buyer sa public auction sale/ foreclosure sale, gaya ninyo, kung hindi nila ito tinubos sa loob ng isang (1) taon na binigyan sila ng pagkakataon ng batas na gawin ito.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

1 Comment


rona sobrevega
rona sobrevega
Mar 09, 2024

Good morning po. Attorney ask lng po ako. Kasi yong lupa nang mga Lolo at lolako na auction tapos ako po ang Ng redeem sa bumili wala pang Isang takon. Sino na Ngayon ang may Ari Ng lupa?

Like

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page