top of page

Karapatan ng biktima ng pambu-bully sa eskuwelahang elementarya at sekondarya

  • BULGAR
  • Jun 19, 2022
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | June 19, 2022


Sa darating na pasukan ng mga mag-aaral, inanunsyo na ng Department of Education (DepEd) na babalik na ang ilan sa kabataan sa face-to-face set-up sa kanilang mga paaralan. Nitong dalawang nakalipas na taon, alam naman natin na ang mga mag-aaral ay sa loob na ng kanilang tahanan ipinagpatuloy ang kanilang pag-aaral, kaya naman nawalan sila ng exposure sa iba nilang kaklase at dala marahil ng kakulangan ng exposure ay maaaring ang pakikitungo nila sa iba pa nilang kamag-aral ay magkaroon ng epekto. Hindi maiiwasang magkaroon ng bullying sa paaralan lalo pa nga’t nabawasan ang pagkalantad nila sa ibang bata. Bukod pa rito, magkakaiba rin ang nakalakihang kapaligiran ng bawat mag-aaral kaya hindi maiiwasang mayroon talagang bata na mas pilyo sa iba. Dito pumapasok ang bullying sa paaralan.


Malimit na mayroong pambubulas (bullying) sa mga eskuwelahan, lalo na sa elementarya at sekondarya. Ito kasi ang edad, kung saan may mga batang nalilihis sa kagandahang-asal dulot na rin ng impluwensya ng kanilang kapaligiran at ng pamayanang kanilang ginagalawan. Nang dahil dito, upang maiwasan ang paglaganap ng bullying sa loob ng eskuwelahan ay gumawa ang Kongreso ng batas tungkol sa bullying. Ito ay ang Republic Act (R. A.) No. 10627 at pinamagatang “Anti-Bullying Act of 2013.”


Ayon sa Seksyon 2 ng R.A. No. 10627, ang mga sumusunod ay tinataguriang aktong pambubulas:


“Sec.2. Acts of Bullying. – For purposes of this Act, “bullying” shall refer to any severe or repeated use by one or more students of a written, verbal or electronic expression, or a physical act or gesture, or any combination thereof, directed at another student that has the effect of actually causing or placing the latter in reasonable fear of physical or emotional harm or damage to his property; creating a hostile environment at school for the other student; infringing on the rights of the other student at school; or materially and substantially disrupting the education process or the orderly operation of a school; such as, but not limited to, the following:


a. Any unwanted physical contact between the bully and the victim like punching, pushing, shoving, kicking, slapping, tickling, headlocks, inflicting school pranks, teasing, fighting and the use of available objects as weapons;


b. Any act that causes damage to a victim’s psyche and/or emotional well-being;


c. Any slanderous statement or accusation that causes the victim undue emotional distress like directing foul language or profanity at the target, name-calling, tormenting and commenting negatively on victim’s looks, clothes and body; and


d. Cyber-bullying or any bullying done through the use of technology or any electronic means.”


Ang mga nasabing akto ng pambubulas o pang-aasar ay hindi pinapayagan dahil na rin sa dulot nitong epekto sa mga batang mag-aaral. Upang hindi magkaroon ng bullying sa loob ng paaralan ay inaatasan ng batas ang mga eskuwelahan na magsagawa ng kanilang polisiya kung saan ang problema ng pambubulas o bullying ay kailangang mabigyan ng kaukulang pansin at solusyon. Maiging mabigyan ng administratibong aksyon at karampatang disiplina ang mga batang sangkot sa pambubulas upang hindi na nila ulitin pa ang maling gawain, tulad ng pambubulas sa kanilang kamag-aral.


Bukod dito ay inaatasan din ang mga paaralan na magsagawa ng counseling para sa mga batang mag-aaral na biktima ng bullying pati na rin ang kanilang mga magulang.


Ang lahat ng eskuwelahan ay kinakailangang magbigay sa kanilang mag-aaral ng kopya ng kanilang polisiya tungkol sa anti-bullying. Ang mga polisiyang ito ay isasama sa handbook ng mga mag-aaral at ipapaskil sa mga kitang lugar ng eskuwelahan maging sa kanilang website.


Sa kabila ng lahat ng ito, dapat malaman ng bawat mamamayan ang kahalagahan ng counselling para sa bata na dumaan sa trauma ng pambubulas. Ganundin na mabigyan ng tamang atensyon ang batang nambubulas upang sa gayon ay mapaintindi sa kanya na ang kanyang kapwa tao ay mayroon ding karapatan na katulad ng sa kanya at marapat na ito ay kanyang respetuhin.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page