Karapatan at proteksiyon ng testigo
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 31, 2021
Bilang pagkilala at pag-iingat sa buhay ng taong nakasaksi ng krimen, ang Kongreso ay nagsagawa ng batas para sa kanilang proteksiyon. Ito ay ang Republic Act (R.A.) No. 6891, o ang Witness Protection, Security and Benefit Act. Ang ahensiya ng pamahalaan na namamahala sa implementasyon ng programa sa ilalim ng probisyon ng batas ay ang Department of Justice (DOJ). Ayon sa Seksiyon 8 ng R.A. No. 6981, ang tao na natanggap sa “Witness Protection, Security and Benefit Program” ay binibigyan ng mga sumusunod na karapatan:
1. Karapatang magkaroon ng ligtas na tirahan hanggang sa siya ay nakapagbigay na ng kanyang pahayag o hanggang sa ang pagbabanta o pananakot sa kanya dahilan sa kanyang pagbibigay ng pahayag ay mawala.
2. Kapag hinihingi ng pagkakataon at kinakailangang dalhin sa ibang lugar upang maprotektahan ang kapakanan ng testigo, siya ay may karapatan na magkaroon ng relokasyon at mapalitan ang kanyang pagkatao. Ang karapatang ito ay abot sa bawat miyembro ng kanyang pamilya at kamag-anakan hanggang sa second degree of consanguinity or affinity;
3. Karapatang matulungan para makapaghanap ng isang uri ng pagkakakitaan o pangkabuhayan;
4. Kapag ang nasabing testigo ay hindi nakakapasok sa kanyang trabaho nang dahil sa kanyang paghaharap at pagbibigay ng pahayag sa husgado o sa anumang uri ng imbestigasyon, siya ay hindi maaaring mawala sa kanyang puwesto o matanggal sa kanyang trabaho;
5. Ang testigo na lumiban sa kanyang trabaho dahil sa kanyang pagbibigay ng kanyang pahayag o testimonya ay may karapatang mabayaran ng halagang katumbas ng kanyang sahod para sa araw o sa mga araw na siya ay lumiban;
6. Karapatan para sa rasonableng gastusin para sa kanyang pagbiyahe at mabigyan ng subsistence allowance;
7. Karapatan para magkaroon ng libreng pagpapagamot at pagpapaospital sa mga pribado o pampublikong ospital, pati ng mga libreng gamot para sa anumang sugat o karamdaman na may kinalaman sa kanyang pagiging testigo;
8. Kapag ang testigo ay napatay, ang kanyang mga tagapagmana ay makakakuha ng burial benefit na di bababa sa P10,000;
9. Kapag ang testigo ay namatay o naging imbalido, ang kanyang mga anak na wala sa hustong gulang ay mapagkakalooban ng libreng edukasyon mula sa mababang paaralan hanggang sa kolehiyo sa alinmang pampublikong paaralan o sa mga pribadong paaralang elementarya, sekondarya o kolehiyo kung sila ay maging kuwalipikado rito;
10. Karapatang magkaroon ng mabilis na paglilitis sa kasong kung saan siya ay testigo;at
11. Karapatang panatilihing sekreto ang kanyang pag-aplay para matanggap sa programa maging ang iginawad na kaukulang aksiyon sa kanyang aplikasyon.
Ang testigo ay hindi maaaring ilagay sa paglilitis na kriminal o maparusahan nang dahil sa mga transaksiyon o bagay na may kinalaman sa kanyang testimonya o sa mga libro, dokumento o kasulatan na kanyang ilalabas sa kanyang pagbibigay ng kanyang testimonya.





Comments