Karapatan at obligasyon sa ilalim ng “Motorcycle Crime Prevention Act”
- BULGAR

- Aug 10
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 10, 2025

Sa ilalim ng R.A. No. 11235, idineklara na alinsunod sa Artikulo II, Seksyon 5 ng ating Saligang Batas, ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, ang proteksyon ng buhay, kalayaan, at ari-arian, at ang pagtataguyod ng pangkalahatang kapakanan ay mahalaga upang matamasa ng lahat ng mamamayan ang mga pagpapala ng demokrasya. Dito ay idineklara ang patakaran ng Estado na tiyakin at pangalagaan ang publiko mula sa mga krimeng kinasasangkutan ng mga motorsiklo, sa pamamagitan ng paggamit ng mas malalaking, madaling mabasa, at may kulay na mga plaka, pati na rin ng iba pang mga pagkakakilanlang marka.
Ayon sa Seksyon 1 ng nabanggit na batas, inaatasan ang mga may-ari ng motorsiklo na irehistro ang kanilang mga motorsiklo sa Land Transportation Office (LTO). Sa orihinal na pagbili o unang bentahan, ang dealer o nagbebenta, sa pahintulot ng bumili, ay mayroong obligasyon na iparehistro ang motorsiklo nang hindi mas matagal sa limang araw na may trabaho (working days) na bibilangin mula sa araw ng bentahan. Sakaling magkaroon ng kasunod na pagbenta o disposisyon, kailangang iulat ng nagbebenta ng motorsiklo sa LTO, personal man o online, ang transaksyon sa loob din ng limang araw ng trabaho. Ang bagong may-ari ay dapat manguna sa paglilipat ng rehistro ng motorsiklo nang hindi lalampas sa 20 araw na may trabaho mula nang mabili niya ang motor mula sa dati nitong may-ari. Kapag nakapagsumite ang bagong may-ari ng mga kinakailangang papeles, kasama ang clearance mula sa Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG), tsaka lamang ilalabas ang kaukulang Certificate of Registration sa loob ng dalawang araw na may trabaho.
Kung ang bentahan ng motorsiklo ay sa isang dealership, magkakaroon ng kasulatan ng pagkakasundo kung saan nakasaad na, ang nagbenta ay mananatiling may-ari ng motorsiklo ngunit binibigyan ang bumibili ng karapatang gamitin at ariin ito hanggang sa kanyang mabayaran ang kabuuang presyo ng pagbili.
Ang pagkabigo ng dealer, orihinal na may-ari, o ng bagong may-ari na sumunod sa mga iniaatas ng batas ay maaaring magresulta sa multang hindi hihigit sa limang libo. Subalit hindi kukuhanin mula sa bumili ang nasabing motorsiklo dahil lamang sa hindi nito pagsunod sa batas na ito.
Gayundin, ang pagmamaneho ng motorsiklong walang plate number o hindi nababasa ang plate number ay maaaring maparusahan ng multang hindi hihigit sa limang libong piso. Bukod dito, ang motorsiklo ay maaaring kumpiskahin ng mga law enforcers at agad na isuko sa PNP. Subalit, hindi maaaring kumpiskahin ang motorsiklo kapag nagpakita ng patunay ng pagmamay-ari at pagpaparehistro ang may-ari nito, at siya ay walang kasalanan sa hindi pagkabit ng plate number o kung plate number nito ay hindi mabasa.
Ganoon pa man, ang amyendang inilatag ng R.A. No. 12209 ay nagdudulot ng malaking kaluwagan sa mga sakay ng motorsiklo sa pamamagitan ng pag-alis ng mandato ng plaka sa harap at makabuluhang pagpapababa sa mga parusang nauugnay sa nakaraang batas ng Doble Plaka. Halimbawa, ang pinakamataas na multa sa ilalim ng lumang Seksyon 7, “Pagmamaneho nang walang plate number o nababasang plate number” ay Php100,000.00. Ngayon, binawasan ng R.A. No. 12209 ang mataas na multa at ginawang Php5,000.00 na lamang.
Sa ilalim naman ng Seksyon 4 ng bagong batas, ang responsibilidad ay nananatili sa nagbebenta ng segunda-manong motorsiklo na iulat ang pagbebenta sa LTO sa loob ng limang araw. Kasabay nito, obligado naman ang bumili na kumpletuhin ang paglipat ng reshitro sa parehong LTO at PNP-HPG sa loob ng 20 araw. Ang hindi pagsunod ay nangangahulugan ng Php5,000.00 na multa, na ibinaba rin mula sa dating Php20,000.00 hanggang Php50,000.00 na multa.
Samantala, ang lahat ng may-ari ng motorsiklo na hindi sumusunod sa mga bagong pamantayan sa plaka ay binibigyan ng palugit hanggang Disyembre 31, 2025 upang sumunod, habang ang LTO naman ay binibigyan ng hanggang Hunyo 30, 2026, upang mag-produce, maglabas, at mag-isyu ng mga plate number na kinakailangan ng batas na ito.








Comments