top of page
Search
  • BULGAR

Karapatan at obligasyon ng online consumers

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 28, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta


Noong nakaraan ay ating inilathala ang kahulugan ng e-commerce sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 11967, na may pinaiksing titulo na “Internet Transactions Act of 2023”.  


Ang naturang batas ay may layunin na palaguin ang electronic commerce (e-commerce) sa ating bansa sa pamamagitan ng pagbuo ng tiwala sa pagitan ng online merchants at online consumers. 


Sa pagkakataong ito ay ating tatalakayin ang karapatan at obligasyon ng mga online consumers o iyong tao o mga tao, natural man o huridikal, na bumibili, umuupa, tumatanggap, o nagsu-subscribe sa mga produkto (goods) o serbisyo (services) sa internet kapalit ang bayad.


Sa Seksyon 18 ng nabanggit na batas, nakasaad na ang Department of Trade and Industry (DTI), sa pakikipagsangguni sa mga kaugnay na ahensya ng gobyerno, ay dapat magsagawa ng Code of Conduct para sa lahat ng mga negosyong nakikibahagi sa e-commerce. 


Ang Code of Conduct na ito ay nararapat na naaayon sa mga internasyonal na kalakaran, pagbabago, pamantayan, at pinakamahusay na kasanayan. Kung kinakailangan, ang DTI ay mag-iisyu ng mga alituntunin, tuntunin at regulasyon, kabilang ang boluntaryo at may bisang mga mekanismo ng co-regulation nang may pagkonsidera sa papel, laki, at epekto nito sa mga transaksyon sa internet. 


Kaugnay nito ay nakasaad din sa naturang batas ang mga kaakibat na obligasyon ng mga e-consumer, katulad ng mga sumusunod:


“Section 19. Obligations of Online Consumers. - The online consumer shall exercise ordinary diligence in any internet transaction.


If the transaction includes the delivery of the purchased goods, the online consumer shall not cancel confirmed orders when the said items have already been paid for by, or the goods are perishable in nature and are already in the possession of a third-party delivery service, or otherwise in transit to the online consumer unless:


(a) The online consumer uses electronic or digital payment and authorized the crediting of the amount despite cancellation;

(b) The online consumer reimburses third-party delivery service as a pre-condition for the cancellation of the order;

(c) The transaction allows cancellation for a fee; or

(d) The parties agree otherwise.”


Malinaw na nakasaad sa mga nabanggit na probisyon na ang pagkansela ng mga order na nabayaran na ay maaari lamang kung gumamit ng electronic payment sa pagbayad at pinapayagan ang pag-credit nito sa kabila ng kanselasyon, binayaran ang delivery fee o cancellation fee, o kung ito ay napagkasunduan ng mga partido.


Ayon sa Seksyon 20 ng kaparehas na batas, kapag nagkaroon ng kaso ng depekto, malfunction, pagkawala nang hindi kasalanan ng online consumer, o pagkabigo na sumunod sa warranty o anumang pananagutan ng online merchant o e-retailer na nagmula sa kontrata, ang online consumer ay may karapatan na ituloy ang pagkumpuni, pagpalit, refund o iba pang mga remedyo na ibinigay sa ilalim ng Republic Act No. 7394, na mas kilala bilang “The Consumer Act of the Philippines”, o anumang umiiral na nauugnay na batas.


Kapag ang online consumer ay humiling ng palit o refund bilang remedyo, ang online merchant ay may karapatan na makuha ang orihinal na mga kalakal na inihatid nang walang anumang gastos sa online consumer, sa loob ng makatuwirang panahon mula sa pagtanggap nito, maliban kung iba ang napagkasunduan ng mga partido. 


Kung sakaling ang refund ay nabayaran na, ngunit ang mga kalakal ay hindi maibabalik dahil sa kasalanan ng online consumer, ang halagang natanggap ay dapat na agad na maibalik sa online merchant o e-retailer na may proporsyonal na pagbawas sa presyo, kung naaangkop sa sitwasyon.





Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page