top of page

Karapatan at obligasyon ng mga magkakasosyo sa negosyo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 27, 2020
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | September 27, 2020



Ngayong panahon na nagkaroon ng pandemya, marami sa ating mga kababayan ang nawalan ng hanapbuhay dahil sa matagal na pagsasara ng mga establisimyento. Marami sa kanila ay bumabangon sa ngayon at natutong magtatag ng pagkakakitaang upang maitawid ang kanilang pangangailangan. Sa ganitong uri ng kaugalian, ang pagiging madiskarte sa buhay ay kilala ang mga Pilipino. Kung hindi naman kakayanin ang magtayo ng sariling pagkakakitaan ay nakikisalo ang mga ito sa mga may kakayahang magbigay ng puhunan para sa isang uri ng negosyo na kanilang pagsososyohan. Nakapaloob sa probisyon ng Republic Act No. 386 (Civil Code of the Philippines) ang tumutukoy sa kahulugan ng partnership na nagsasaad ng mga sumusunod:


“Art. 1767. By the contract of partnership two or more persons bind themselves to contribute money, property, or industry to a common fund, with the intention of dividing the profits among themselves.”

Ayon sa mga nabanggit na probisyon, napangyayari ang pagkakaroon ng kasosyo sa negosyo sa oras na ang dalawa o mas higit pa na mga tao ay magkasundo na mag-ambag ng pera, ari-arian o industriya sa pinagsamang pondo at sa huli ay paghahatian nila ang bawat kita na nakuha mula sa nasabing negosyo.


Ang karapatan ng mga taong pumasok sa ganitong uri ng kontrata ay nakapaloob sa Article 1767 hanggang 1867 ng Civil Code of the Philippines. Ito ay ang mga sumusunod:

  1. Karapatang makibahagi sa mga kinita ng negosyo na pinaglagakan ng kanyang pera, ari-arian o industriya;

  2. Karapatang magkaroon ng personalidad na hiwalay at kaiba sa partnership. Sa pagkakaroon ng hiwalay na personalidad sa partnership, ang isang partner ay hindi maaaring managot sa mga pananagutan ng partnership gayundin na ang partnership ay hindi maaaring panagutin sa mga personal na pananagutan ng mga partners;

  3. Karapatang lumahok sa pangangasiwa ng negosyo;

  4. Ang bawat partner ay may karapatang magkaroon ng kapantay na karapatan tulad ng sa kanyang mga kasosyo sa mga partikular na gamit at pag-aari ng partnership na eksklusibong ginagamit para sa partnership. Subalit ang partner ay hindi maaaring ariin ang alinman sa mga pagmamay-ari ng partnership nang walang pagsang-ayon ang mga iba pang kasosyo sa nasabing partnership;

  5. Karapatang obligahin ang kasosyo na ibigay ang kanyang ipinangakong kontribusyon sa partnership;

  6. Kapag ang puhunan ng partnership ay P3,000 o higit pa, karapatang hilingin na ang Kontrata ng Partnership ay manotaryohan at maitala sa Securities and Exchange Commission (SEC);

  7. Kapag may mga ari-ariang ipinuhunan, karapatang hilingin ang imbentaryo ng mga ito at ilakip ang nasabing imbentaryo sa kontrata ng partnership;

  8. Karapatang makuha ang tayang halaga ng mga bagay na iaambag sa negosyo;

  9. Karapatang itago ang libro ng partnership ayon sa napagkasunduan ng bawat kasosyo sa lugar kung saan ang transaksiyon sa negosyo ay ginagawa;

  10. Karapatang inspeksiyunin at kopyahin ang libro ng partnership sa rasonableng oras;

  11. Kapag ang kasosyo ay namuhunan sa ibang negosyo nang walang pahintulot ang iba pang mga kasosyo, ang ibang kasosyo ay may karapatang hingin sa nasabing kasosyo na magbigay sulit ng mga benepisyong makukuha ng mga namuhunan mula sa mga transaksiyon tungkol sa partnership;

  12. Karapatang alamin ang lahat ng impormasyon tungkol sa lahat ng bagay na makaka-apekto sa partnership;

  13. Karapatang makihati sa kita sa pinagsosyohang negosyo sa proporsyon ng kanyang ipinuhunan;

  14. Karapatang humingi ng interest at bayad-pinsala mula sa kasosyo na nangakong mamumuhunan ng salapi, ari-arian o industriya kapag hindi niya natupad ang nasabing pangako. Ang interest at bayad pinsala ay bibilangin mula sa oras na dapat ay ginawa niya ang kanyang obligasyon;

  15. Karapatang humingi ng interest at bayad-pinsala mula sa kasosyo na gumamit ng pera ng partnership. Ang interest at bayad-pinsala ay bibilangin mula sa araw na kinuha ng nasabing kasosyo ang paggamit ng pera ng partnership para sa kanyang kapakinabangan;

  16. Lahat ng mga namuhunan ay may karapatang hingin ang pormal na pagsusulit ng mga kapakanan at suliranin ng kanilang partnership kapag hinihingi ng pagkakataon;

  17. Karapatang buwagin ang partnership.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page