top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Karapatan at obligasyon ng kinatawan

BULGAR
Aug 14, 2022
3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | August 14, 2022


May mga pagkakataong ang isang tao ay nagtatalaga ng tagapangasiwa o kinatawan para sa kanyang mga personal o opisyal na transaksyon. Ang mga importanteng tao na gaganap sa ganitong uri ng relasyon ay ang tagapangasiwa at ang nagpapamahala o prinsipal. Ang pundasyon ng relasyong ito ay ang tiwala ng prinsipal sa kanyang tagapangasiwa. Sa batas, ang kasunduang ito ay tinaguriang “contract of agency.”


Sa contract of agency, ang isang tao ay may obligasyong magbigay ng kanyang serbisyo o gumawa ng isang bagay bilang kinatawan o para sa kapakinabangan ng ibang tao. Subalit, sa kanyang paggawa ay kinakailangan na ang tagapangasiwa ay may permiso ng kanyang prinsipal upang maging balido ang kanyang mga gagawin. Ang pangangasiwa o pagganap sa tungkuling ito ay maaaring may pagtatalaga sa tagapangasiwa o maaari ring batay sa mga aksyon ng prinsipal. Isang aksyon ng prinsipal na maaaring maituring na mayroong kapangyarihan ang kinatawan ay ang kanyang pananahimik o hindi pagkibo kahit na nalaman niyang may gumaganap na tao bilang kanyang kinatawan.


Sa gayung sitwasyon, may contract of agency kahit na walang pagtatalaga sa tagapangasiwa.


Ngunit sa kabila ng pananahimik ng prinsipal, sang-ayon sa batas, may mga transaksyon na kinakailangan na mayroong Special Power of Attorney ang tagapangasiwa o kinatawan upang magkaroon ng bisa ang kanyang ginawa. Ito ay nakasaad sa Article 1878 ng New Civil Code of the Philippines, at ayon dito:


“Art. 1878. Special powers of attorney are necessary in the following cases:

(1) To make such payments as are not usually considered as acts of administration;

(2) To effect novations which put an end to obligations already in existence at the time the agency was constituted;

(3) To compromise, to submit questions to arbitration, to renounce the right to appeal from a judgment, to waive objections to the venue of an action or to abandon a prescription already acquired;

(4) To waive any obligation gratuitously;

(5) To enter into any contract by which the ownership of an immovable is transmitted or acquired either gratuitously or for a valuable consideration;

(6) To make gifts, except customary ones for charity or those made to employees in the business managed by the agent;

(7) To loan or borrow money, unless the latter act be urgent and indispensable for the preservation of the things which are under administration;

(8) To lease any real property to another person for more than one year;

(9) To bind the principal to render some service without compensation;

(10) To bind the principal in a contract of partnership;

(11) To obligate the principal as a guarantor or surety;

(12) To create or convey real rights over immovable property;

(13) To accept or repudiate an inheritance;

(14) To ratify or recognize obligations contracted before the agency;

(15) Any other act of strict dominion.”


Base sa mga nabanggit, malinaw na ang tagapangasiwa o kinatawan ay kinakailangang mayroong special power of attorney upang kanyang maisagawa ang mga nasabing transaksyon. Gayundin, ang pagkakaroon ng kinatawan ng kapangyarihang magbenta ay hindi nangangahulugang siya ay may kapangyarihang magsangla.


Ang kinatawan ay ipagpalagay na may kompensasyon maliban lamang kung napatunayan ang kontra sa palagay na ito. Ang kinatawan ay may karapatang gawin ang lahat ng nakasaad na kanyang kapangyarihan at kung siya ay makaranas ng kapinsalaan nang dahil sa pagtupad ng kanyang tungkulin bilang kinatawan, siya ay may karapatang mabayaran ng kanyang prinsipal maliban kung mayroon silang kasalanan o kapabayaan sa nangyari. May karapatan din ang kinatawan na mabayaran sa kanyang mga gastusin sa pagtupad ng kanyang mga tungkulin at obligasyon.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page