ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 26, 2024
Ayon sa “Standard Minimum Rules for the Treatment of Prisoners,” na pinagtibay ng First United Nations Congress on the Prevention of Crime and the Treatment of Offenders, na isinagawa sa Geneva noong 1955, at inaprubahan ng United Nations Economic and Social Council sa pamamagitan ng Resolutions 663 C (XXIV) of 31 July 1957 and 2076 (LXII) noong 13 May 1977, ang mga sumusunod ay ang mga karapatan ng mga bilanggong naghihintay ng kanilang paglilitis:
Ang mga inaresto o ibinilanggo dahil sa krimeng isinampa laban sa kanila na nasa kustodiya ng pulis o bilangguan pero hindi pa nililitis o nahatulan ay tatawaging “untried prisoners”.
Ang mga akusadong hindi pa nahahatulan ng husgado ay itinuturing na inosente at marapat na matratong inosente.
Ang mga bilanggong nililitis pa lang ang kaso ay marapat na maihiwalay sa piitan ng mga nahatulang bilanggo.
Ang mga batang bilanggo na hindi pa nahahatulan ay marapat na maihiwalay ang selda mula sa mga nasa tamang edad na bilanggo.
Ang mga bilanggong hindi pa nalilitis ang kaso ay matutulog sa isang selda na angkop sa klima ng lugar.
Sa loob ng mga limitasyong angkop sa kaayusan at pamamalakad na ipinatutupad ng pamunuan ng bilangguan, ang isang bilanggong hindi pa nililitis ang kaso ay maaaring magpabili ng kanyang pagkain mula sa labas sa pamamagitan ng kanyang pamilya o ng mga kawani ng bilangguan. Kung hindi naman niya nanaising bumili ng kanyang sariling pagkain, ang pamunuan ng bilangguan ang magbibigay ng kanyang pagkain.
Ang isang bilanggong hindi pa nililitis ang kaso ay maaaring magsuot ng kanyang sariling damit. Kinakailangan lamang na malinis ito, at naaangkop at nababagay. Kung magsusuot ito ng damit ng isang bilanggo, kinakailangan na ang nasabing damit ay iba sa mga ibinibigay ng pamunuan ng bilangguan sa mga nahatulang bilanggo.
Ang isang hindi pa nililitis na bilanggo ay marapat na mabigyan ng oportunidad para makapagtrabaho subalit hindi siya kinakailangang piliting magtrabaho. Kung ang nasabing bilanggo ay pipiliing magtrabaho, siya ay mabibigyan ng kabayaran para sa kanyang pagtatrabaho.
Ang isang bilanggong hindi pa nililitis ang kaso ay pinapayagang makakuha, sa kanyang sariling gastos, ng mga aklat, diyaryo at iba pang mga gamit para sa panulat na angkop sa administrasyon ng hustisya at ng seguridad at kaayusan ng bilangguan.
Ang isang bilanggong hindi pa nililitis ay may karapatang mabisita at magamot ng kanyang sariling doktor o dentista kung may rason ang kanyang aplikasyon at ito ang magbabayad ng gastusin para rito.
Ang isang bilanggong hindi pa nililitis ang kaso ay pinapayagang ipaalam sa kanyang pamilya ang kanyang pagkakadetine at pinapayagang mabigyan ng resonableng pasilidad para sa kanyang komunikasyon sa kanyang pamilya at mga kaibigan.
Sa ilalim ng mga limitasyong ipinatutupad ng administrasyon ng bilangguan at ng seguridad ng nasabing pamunuan, pinapayagan ang isang bilanggong tumanggap ng dalaw mula sa kanyang pamilya at kaibigan.
Ang isang bilanggong hindi pa nililitis ang kaso ay pinapayagang humiling para mabigyan ng libreng serbisyong legal kung mayroon. Gayundin, na makatanggap ng bisita o dalaw mula sa kanyang abogado. Ang paghaharap ng isang bilanggo at ng kanyang abogado ay maaaring nasa tanaw ng mga pulis subalit hindi kinakailangang marinig ng mga nasabing pulis ang kanilang pinag-uusapan.
Comments