Karapatan at benepisyo ng bus driver at konduktor
- BULGAR
- Jun 11, 2023
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | June 11, 2023
1. Ayon sa DOLE Department Order No. 118-12, Series of 2012 (Rules and Regulations Governing the Employment and Working Conditions of Drivers and Conductors in the Public Utility Bus Transport Industry), ang mga drayber at konduktor ng bus ay may karapatan para sa mga sumusunod na benepisyo:
a. Suweldo para sa normal na oras ng trabaho na hindi bababa sa angkop na minimum wage, at babayaran ito ng isang beses kada dalawang linggo o dalawang beses kada buwan na hindi hihigit sa 16 na araw ang pagitan;
b. Labindalawang regular holidays ayon sa R.A. No. 9849. Ang drayber at konduktor ay babayaran ng holiday pay na katumbas ng 100% ng minimum wage kahit na hindi siya pumasok sa trabaho. Kinakailangan lamang na siya ay pumasok o kaya ay naka-leave of absence with pay sa huling araw ng trabaho bago ang holiday. Kapag pinagtrabaho ang drayber/konduktor sa nasabing holiday, siya ay mababayaran ng 200% ng minimum wage;
Rest day na 24 na oras sa kada anim na sunud-sunod na araw ng pagtatrabaho. Kapag siya ay nagtrabaho sa araw ng kanyang pahinga o kaya ay special holiday, siya ay mababayaran ng karagdagang 30% ng kanyang sahod o 50% nito kapag nagtrabaho siya sa special holiday na nagkataon namang araw rin ng kanyang pahinga;
Overtime pay na katumbas ng 25% ng kanyang suweldo para sa mga ordinaryong araw at 30% naman sa mga regular holidays, special days at rest days para sa trabahong lampas sa walong oras kada araw;
Karagdagang bayad para sa night shift na katumbas ng 10% ng halaga ng sahod para sa trabaho sa pagitan ng 10:00 o’clock ng gabi hanggang 6:00 o’clock ng umaga ng susunod na araw;
Service incentive leave na limang araw para sa bawat taon ng serbisyo;
13th month pay ayon sa P.D. No. 851 (as amended), kung saan ang isang empleyado ay makatatanggap ng halaga na katumbas ng 1/12 ng kanyang sahod sa kada buwan ng trabaho sa isang taon (calendar year). Dapat itong maibigay bago ang Disyembre 24 ng taon;
h. Maternity leave benefits;
Paternity leave na pitong araw, ayon sa R.A. No. 8187;
Solo parent leave na pitong araw para sa mga solo parents, ayon sa R.A. No. 8972, as amended;
Sampung araw na may bayad na leave para sa biktima ng VAWC (R.A. No. 9262);
l. Special leave para sa mga babaeng naoperahan dahil sa “gynecological disorder” alinsunod sa R.A. No. 9710 (Magna Carta for Women); at
1. Retirement pay sa edad na 60, ayon sa R.A. No. 7641.
2. Ang normal na pagtatrabaho ng drayber at konduktor ay hindi hihigit sa walong oras. Kung ang drayber o konduktor ay kinakailangang magtrabaho nang higit sa walong oras, hindi dapat ito lumampas sa 12 oras sa loob ng 24 oras na operasyon ng bus. Ang mga drayber at konduktor ay dapat bigyan ng 1 oras para kumain sa loob ng 12 oras na pagtatrabaho.
3. Katulad ng ibang manggagawa, ang drayber at konduktor ng bus ay mayroong kasiguruhan sa pagtatrabaho. Ang kanilang pagtatrabaho ay maaari lamang tapusin kapag mayroong makatarungang dahilan. Sasailalim din sa tamang proseso ang pagdinig ng mga dahilan ng kanilang pagkakatanggal sa serbisyo sa kumpanya.
4. Ang mga drayber at konduktor ng mga pampasaherong bus ay mayroong karapatang mabigyan ng coverage sa Pag-Ibig Fund, Philhealth, SSS at Employees’ Compensation Law.








Comments