Karagdagang reporma sa Sangguniang Kabataan (SK), batas na
- BULGAR
- May 27, 2022
- 3 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | May 27, 2022
Maraming halal na opisyal lalo na ngayong nagdaang eleksyon ang nais bigyan ng prayoridad ng mga kabataan at palaging kasama sa kanilang mga plataporma ang edukasyon, palakasan at iba pang maaaring makapagbigay ng kabutihan sa ating kabataan.
Kaya nga mayroon tayong Sangguniang Kabataan (SK) na siyang nangunguna kung paano itataguyod ang mga proyekto sa kani-kanilang nasasakupang barangay ngunit tila hindi sila makagalaw nang sapat dahil sa maraming kakulangan.
Imbes na matutukan ng SK ang kanilang mga proyekto ay mas nauubos ang kanilang panahon sa pagtugon sa ibang bagay dahil sa kakulangan ng panggastos maging sa kanilang mga personal na pangangailangan.
Ito ang nagtulak sa akin para isulong na maisabatas ang Republic Act No. 11768 na magpapalakas sa SK at magkaroon ng makahulugang layunin ang mga halal na kabataang ito para sa kanilang paglahok sa local governance at nation building.
Ngayon, hindi na ito basta ordinaryong panukala dahil sa nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang RA 11768 o ang “An Act Strengthening the Sangguniang Kabataan, Institutionalizing Additional Reforms to Revitalize Youth Participation in Local Governance and by Providing Honorarium, Other Benefits, and Privileges Amending for the Purpose Certain Sections of Republic Act No. 10742, Otherwise Known as the ‘Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015”.
Huwag kayong malilito kasi noong nakaraang Abril 13 lamang ay nilagdaan din ng Pangulo ang iniakda nating batas hinggil sa night differential ng mga government workers at nitong nagdaang Mayo 6 ay nilagdaan naman itong RA 11768 para maging isang ganap ng batas at inilabas lamang nitong Mayo 17, 2002.
Bilang may akda ng naturang batas, kasama ko sina Sen. Sonny Angara at Sen. Imee Marcos na may kani-kanya ring iniakda ay nakita natin ang ilang isyu at policy gaps sa ilalim ng SK Reform Act of 2005 na tiyak na mapupunan ng batas na ito.
Sa pamamagitan ng batas na ito ay matutugunan na ang kakulangan sa kompensasyon at hindi sapat na suporta para sa mga SK officials at higit sa lahat ay ang kakulangan sa pondo na matagal ng problema ng SK.
Nakapaloob sa Section 4 ng nabanggit na batas na ang SK members, kabilang na ang SK treasurer at secretary ay regular na makatatanggap ng buwanang honorarium.
Ang lokal na pamahalaan ay maglalaan din ng karagdagang honorarium kabilang na ang social welfare contributions at hazard pay para sa SK Chairperson, mga elected at appointed members sa pamamagitan ng kanilang lokal na ordinansa.
Nakasaaad pa sa naturang batas na ang SK official ay kuwalipikado na magkaroon ng civil service eligibility base sa bilang ng taon ng kaniyang serbisyo sa barangay.
Pinapayagan din ng naturang batas ang lokal na pamahalaan na magbigay ng hindi bababa sa 1% mula sa taunang budget na maaaring gamitin sa implemantasyon ng Local Youth Development Plan (LYDP), pagpapatawag ng pulong ng Pederasyon ng mga Sangguniang Kabataan at Local Youth Development Council (LYDC).
Awtorisado rin ang SK na maglaan ng hindi hihigit sa 15% ng kanilang pondo para sa obligado at tuluy-tuloy na pagsasanay upang matiyak na handa sila sa pagtupad ng kanilang tungkulin para maging epektibo sa governance at paggawa ng mga polisiya na labis na inaasahan sa kanilang mandato.
Dapat ding bigyan ng prayoridad ang youth development projects at mga aktibidades tulad ng student stipends, iba pang educational assistance programs, summer employment, on-the-job training, sports at wellness projects.
Sa pamamagitan kasi nito ay maiibsan at matutukoy ang problema sa physical at mental health, teenage pregnancy, pagkalulong sa bawal na gamot at ibang problema sa kalusugan.
Inaasahan natin sa pagpapatupad ng mga repormang ito, higit na magiging epektibong katuwang ng pambansang pamahalaan ang Sangguniang Kabataan, hindi lamang sa pagsusulong ng kapakanan ng kabataang Pilipino, kung hindi sa muling pagbangon at pangkalahatang pag-unlad ng bansa.
Sana lang makatulong ang batas na ito para mas maingganyo pa ang mga kabataan na lumahok at sa murang edad ay makapagbigay ng positibong kontribusyon hindi lang
sa ating pamahalaan kung hindi sa ating lipunan.
Sabi nga ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal, "Ang kabataan ang pag-asa ng bayan" at hindi imposibleng isa sa mga kaanib ng SK sa kasalukuyan ay maging punongbayan, gobernador o pangulo ng bansa.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com




Comments