Karagdagang awards at incentives ang athletes!
- BULGAR
- Jun 3, 2022
- 4 min read
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | June 3, 2022
Nitong Hunyo 1, 2022 ay nagpaalam na ang ilan sa aking mga kasamahan sa Senado na natapos na ang termino. Matagal din ang aming pinagsamahan, at marami akong natutunan sa kanila bilang sila ay mga beterano sa lehislatura.
Nagpapasalamat ako sa kanila, dahil kahit may mga pagkakataon na nagkakaroon kami ng pagtatalo sa Senado, nakatulong sila sa mga panukala na ating inakda at isinulong para maging ganap na batas. Magkakaiba man ang aming paniniwala, alam kong pare-pareho lamang naming ipinaglaban ang kapakanan at interes ng mga Pilipino bilang representante ng taumbayan. Hangad ko ang kanilang tagumpay kung anuman ang kanilang planong gawin at naniniwala naman akong hindi riyan nagtatapos ang kanilang serbisyo at malasakit sa kapwa tao.
Bilang Chair ng Senate Committee on Health, masaya akong ibalita sa inyo na noong Mayo 31 ay nakapasa na sa ikatlo at huling pagbasa ang 30 local hospital bills na ating inisponsoran sa Senado. Layunin nito ang pagsasaayos, pagpapaganda at pagtatatag ng mga pampublikong ospital sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa.
Kapag tuluyang naisabatas, mapaparami ang bed capacity ng mga ospital sa Baguio City; Puerto Princesa City, Palawan; Tagum City, Davao del Norte; Ilagan City, Isabela; Silay City, Negros Occidental; Binidayan, Wato-Balindong at Malabang sa Lanao del Sur; Tayug at Lingayen, Pangasinan; Tanauan City at Cuenca sa Batangas; Mangatarem, Pangasinan; Loon, Bohol; at Roxas, Oriental Mindoro.
Maiko-convert naman para mas mapalawak ang serbisyo ng mga ospital sa Tagbilaran City, Bohol; at Pinamalayan, Oriental Mindoro.
Upgrading naman ang isasagawa para maging Level ll Hospital ang mga ospital sa Lipa City, Batangas; Orani, Bataan; at Novaliches, Quezon City.
Naaprubahan din ang pagtatayo ng ospital sa Meycauayan City, Bulacan; Iloilo City; Liloan, Cebu; Kalibo, Aklan; Tagaytay City, Cavite; Panabo City, Davao del Norte; at Don Marcelino at Jose Abad Santos, Davao Occidental.
Pumasa na rin ang Senate Bill 1834 o ang “Philippine Digital Workforce Competitiveness Act” na inakda ni Senator Joel Villanueva at ako naman ang isa sa co-author. Layunin ng panukalang ito na mabigyan ng kaukulang kakayahan at kasanayan ang ating mga kababayan upang maging bahagi sila ng digital workforce ng ating bansa. Dahil dito, mas maraming oportunidad at trabaho ang magbubukas para sa kanila at mas madaling makakabangon ang ating ekonomiya mula sa epekto ng pandemya.
Isa rin sa ipinagpapasalamat ko sa aking mga kapwa senador ay ang pagpasa sa ikatlo at huling pagbasa ng Senate Bill No. 2506 noong Mayo 30. Layunin nitong dagdagan ang social pension ng ating mahihirap na senior citizens. Isa rin po ako sa co-author ng panukalang ito.
Kapag naisabatas, ang kanilang natatanggap na pension na PhP500 kada buwan ay magiging PhP1,000. Malaking tulong ito sa kanila para masuportahan ang kanilang pambili ng pangunahing pangangailangan tulad ng gamot.
Bilang Chair ng Committee on Sports, noong Mayo 31 ay nagbigay-pugay kami ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ating mga atletang lumahok sa 31st SEA Games sa Hanoi, Vietnam na nakapag-uwi ng 52 gold, 70 silver, at 105 bronze medals. Nakakatuwa dahil dinoble ng Pangulo ang incentives na kanilang dapat na matanggap.
Kung maaalala ninyo, noong nakaraang SEA Games ay ipinaglaban ko na bigyan ng karagdagang awards and incentives ang athletes natin nang maengganyo sila at matulungan na rin ang kanilang mga pamilya. Marami nang magagandang idinulot ang ating pagsisikap para masuportahan ang atletang Pilipino at mapalakas ang sports development programs sa bansa. Paigtingin pa natin lalo ito.
Sa kabila naman ng aking pagiging abala sa aking trabaho sa Senado ay patuloy ang aking tanggapan sa paghahatid ng tulong sa mga kababayan nating apektado ng iba’t ibang krisis bukod sa pandemya. Naayudahan natin ang mga pamilyang biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog gaya ng 33 sa Caloocan City; 22 sa Pandacan, Maynila; at 77 pa sa Taytay, Rizal.
Naabutan din natin ng tulong at napagaan ang dalahin ng 2,000 benepisaryo sa Rosario, Noveleta, Kawit at Cavite City sa probinsya ng Cavite; at 40 pa sa Baguio District, Davao City.
Tuluy-tuloy pa rin ang aking pagbabalik sa Island Garden City of Samal sa Davao del Norte para alalayan ang mahihirap na residente kabilang ang 1,502 benepisaryo sa Brgy. Poblacion; 905 sa Brgy. San Isidro; at 905 pa sa Brgy. Libertad. Ngayong araw na ito naman ay bibisitahin ko ang mga kababayan natin mula sa Brgy. Kanaan, Tagbaobo at Anonang sa kaparehong siyudad.
Kahapon naman ay binisita ko ang Malasakit Center sa Davao Oriental Provincial Medical Center sa Mati City, Davao Oriental upang tingnan ang operasyon ng nasabing center sa ospital, at nagpaabot din ng tulong sa mga pasyente at frontliners. Binisita ko rin ang libu-libo nating mga kababayang naapektuhan ng pandemya sa nasabing lungsod upang maihatid ang tulong sa kanila.
Ngayong Hulyo ay iba na ang mukha ng Senado. Gayunman, asahan ninyo na ang inyong Kuya Bong Go ay tahimik na magtatrabaho habang mananatiling tapat at masipag na kinatawan ng inyong mga interes, lalo na ang mga mahihirap at higit na nangangailangan. Laging ang kapakanan ninyo ang aking prayoridad, at hindi ako titigil sa pagsusulong ng mga panukalang batas para sa ating patuloy na pag-unlad.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments