top of page
Search
  • BULGAR

Kapusukan at karahasan sa kabataan, ‘wag kunsintihin

ni Ryan Sison @Boses | October 12, 2023


Kakaiba na ang kapusukan ng mga kabataan dahil sa nagiging marahas ang mga ito at nakukuha pang gumamit ng baril.


Sa ulat, isang 15-anyos na batang lalaki ang kinuwestiyon ng pulisya dahil sa nangyaring pagpapaputok nito ng baril sa Barangay Nagkaisang Nayon, Quezon City, kamakalawa ng hapon.


Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, lumabas na nagpaputok ng warning shot ang binatilyo matapos ang mainitang pagtatalo sa mga kaibigan habang nag-iinuman ang mga ito.


Gayunman, walang naiulat na nasaktan sa insidente.


Ayon kay PCapt Mel Tomulto, Duty Shift Supervisor ng Novaliches Police Station, base sa interview nila sa mga menor-de-edad tungkol umano sa motor ang kanilang pinagtalunan.


Nagkaroon ng suntukan sa pagitan ng binatilyo at isang kainuman, at nagkasakitan hanggang sa nagulpi ang suspek. Nang nakakuha ito ng baril dahil binigyan ng matanda na taga-roon sa lugar saka nito pinaputok bilang warning shot.


Inaresto rin ng mga opisyal ang may-ari ng baril na isang senior citizen na umaming ipinahiram ang kanyang baril sa menor-de-edad.


Paliwanag naman ng may-ari ng baril na naawa siya sa bata dahil baka saksakin ito, kung saan may mga panaksak umano ang mga nakaalitan, at para lamang ma-disperse sila kaya sinabihan niya ang binatilyo na mag-warning shot.


Nasa kustodiya na ng Novaliches police station ang may-ari ng baril at mahaharap sa kasong attempted homicide at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act in relation to Omnibus Election Code.


Inilipat naman ang menor-de-edad sa Quezon City Social Services Development Department.


Mabigat ang naging resulta sa ginawang ito ng menor-de-edad.


Ang kanilang kasiyahan ay nauwi lamang sa asunto dahil sa hindi pagkakasundo sa mga simpleng bagay.


Hindi talaga maganda ang naidudulot ng alak sa utak ng isang tao, lalo na kung lango na ito at sobra sa kalasingan. Subalit, hindi ba’t bawal pang pagbilhan ang mga menor-de-edad ng mga inuming nakalalasing? Pa’no nila nagawang mag-inuman, kung wala naman mismong nagbigay sa kanila?


Masaklap nito, sa halip na awatin ng matanda ang pag-aaway ng mga menor-de-edad ay tila kinunsinti pa na nag-udyok tuloy para gumanti ang nasaktan.


Tayong mas nakakaalam ng tama, ang dapat sana na nagtuturo ng pagiging mahinahon sa halip na maging marahas at gumagabay sa kanila. Lagi sana nating isipin ang mas makakabuti para sa mga kabataan nang hindi sila mapariwara.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page