Kapistahan ng Undas sa panahon ng pandemya
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 31, 2021
Malapit na mag-Pasko, kung saan halos 10 linggo na lamang ay sasapit na ito. Subalit makikita na sa maraming lugar ang mga senyales ng mahalagang okasyong ito, mula sa mga parol hanggang Christmas lights. Kakaiba ang mga Pinoy, pagpasok ng mga “ber months”, mararamdaman na ang panahon ng Pasko. Hindi pa man nagbabatian ng Merry Christmas ang mga tao, paskung-Pasko na ang maraming lugar. Tila sinasabi ng buong kapaligiran na ang “Pasko ay hindi lang isang araw kundi araw-araw.”
Sa kabilang banda, Undas na bukas kung saan aalalahanin natin ang ating mga mahal na yumao.
Tulad noong isang taon, sarado ang mga libingan mula ika-29 ng Oktubre hanggang 2 ng Nobyembre. Kaya’t sa bahay na lang magsisindi ng kandila at mananalangin ang marami.
Paano kaya natin pagsasamahin ang dalawang tila taliwas na damdamin, ang galak ng Pasko at ang lungkot ng Undas?
Bilang pari, karaniwan na ang makitungo sa mga namatay at namatayan. Karaniwan ang pagbabasbas at misa para sa patay. Noong Lunes, nabanggit natin sa misa para kay Judge Aurora Recina, dating Chairperson ng Commission on Human Rights kung gaano kabigat para sa maraming pari ang Kapistahan ng Undas sa panahon ng pandemya.
Hindi lang dumoble, kundi trumiple ang dami ng namamatay at tuluyang namatay.
Karamihan sa mga ito ay namatay sanhi ng COVID-19.
Totoong-totoo ang kamatayan dahil sa sunud-sunod na pakiusap na ipagdasal natin ang mga namamatay, basbasan at pahiran natin ng langis ang mga may sakit, lalo na ang may malubhang sakit. At dahil pandemya, madalas din na sa halip na dumalaw tayo sa bahay ng mga may-sakit na parukyano, karaniwang dasalan at basbasan ko na lang online ang mga ito.
Online man o face-to-face, lubhang naging karaniwan na ang kamatayan. Halos araw-araw may pakiusap na ipagdasal ko ang namamatay o namatay na; basbasan ang urn ng asawa, magulang, tiyuhin at tiyahin, mga pinsan at kaibigan. At dahil naging mas mahirap ang libing kaysa cremation, napakataas ang porsiyento ng mga na-cremate.
Walang hindi nalungkot sa mga nagdaang buwan at dumaraan pa ring pandemya. Hindi man gaanong malungkot kung walang nasawi sa iyong sariling pamilya. Subalit, merong kaibigan,
kaeskuwela, kapitbahay o kakilalang na-COVID-19 o humina ang katawan dahil sa pandemya.
Tunay na nagpapahalaga tayo sa mga pumanaw, ngunit meron bang ibang itinuturo ang Undas sa panahon ng pandemya? Malinaw ang mensahe ng Undas: ang pagkilala at paghahanda sa katapusan ng buhay upang ating maunawaan at mapaghandaan ang kaganapan ng buhay, ang buhay na walang hanggan. Merong maikling kasabihan, “Life is short. Live it.” "Maikli lang ang buhay, kaya mabuhay." Huwag itong aksayin. Gamitin ang bawat sandali para sa paggawa ng mabuti para sa Diyos at kapwa. Sa gitna ng napakarami at napakadalas na kamatayan sa ating kapaligiran, malinaw ang hamon,
Huwag manood sa ginagawa ng iba, gawin ang puwede at dapat gawin, baka susi ang Undas, ang paggunita at pagbibigay-galang sa mga yumao sa buhay na nagbibigay-galang at nagtatanggol sa buhay hindi lang ng tao, kundi ng lahat ng nilalang.
Kung naging araw-araw ang Undas, dapat higit ding maging araw-araw ang Pasko. Undas at Pasko, kamatayan at buhay, kalungkutan at kagalakan. Yakapin nang husto ang bawat sandali, ang lahat ng bahagi ng buhay. Bagama’t malungkot ng pandemya na tila ginawa nitong Undas araw-araw, maaari nating piliing tuklasin, isabuhay at ibahagi ang tunay na kagalakan… ang kagalakan ng pasasalamat at pagpapahalaga sa bawat sandali, sa bawat tibok at hininga ng buhay natin at ng buhay ng kapwa.





Comments