Kapatagan, hindi nagpatinag kontra MisOr sa VisMin Cup
ni Gerard Arce - @Sports | November 29, 2021

Tatlong importanteng free throws ang isinalpak nina Richard Kwong at Edrian Lao para tulungang maitakas ng BYB Kapatagan Buffalos ang panalo kontra Globalport Z Valientes MisOr, 65-63, kagabi sa pagpapatuloy ng elimination round ng 2nd conference ng Pilipinas Chooks-To-Go Vis-Min Cup Mindanao Challenge sa Pagadian City Gymnasium sa Zamboanga del Sur.
Hawak ang 11-kalamangan, umariba ng 13-0 blast ang Valientes sa pamumuno ni Nicko Ubalde para agawin ang kalamangan sa 61-59 sa nalalabing 3:26 ng laro.
Ngunit hindi nagpatinag si Richard Kwong ng kanyang sariling 5-2 run kabilang ang 3-of-4 sa free throw line para ibalik sa 64-63 na kalamangan ang Buffalos sa nalalabing 17.7 segundo. Isinalpak ni Lao ang ikalawang free throw para siguruhin ang panalo sa nalalabing 10 segundo, habang nagmintis na sa 3-pt shot si Reil Cervantes.
Kasunod ng winning free throws, kumulekta si Lao ng kabuuang 7 pts shot para ihatid sa third straight victory ang koponan, habang pinangunahan ni Kin Ariar ang opensiba sa 9pts at 5 rebs, at tig-8pts nina Garexx Puerto, Jonel Bonganciso at Saturday-game hero kontra Basilan BRT Peace Riders na si Mark Daanoy.
Mayroong 5pts 9 rebs, 2 assists si Kwong.
“Composure lang ang kinailangan namin. Kailangan lang namin gawin 'yung plays namin at makinig lang sa instructions naming coaches,” pahayag ni Buffalos head coach Jaime Rivera.
Tinapos ng Kapatagan Buffalos ang first quarter na tangan ang 23-18 na kalamangan kasunod ng 7-2 mini run mula kina Jesusano Saga at Djoene Torres para panatilihin ang bentahe papasok ng second period.
Samantala, muling haharap ang Kapatagan Buffalos ngayong araw kontra sa Pagadian City Explorers sa unang laro ng 4:00 p.m. na susundan ng Basilan BRT Peace Riders at Zamboanga Sibugay Anak Mindanao Warriors sa alas-6:30 ng gabi.





Comments